Advertisers
IPINAGMAMALAKI ni Rep. Renee Co ng Kabataan Partylist, ang “prente” ng CPP-NPA-NDF sa Kongreso– na kaalyado ngayon ng administrasyon– na “tagumpay” (daw) ng taumbayan ang desisyon ng ‘Bicameral Conference Committee’ (BiCam) na isapubliko ang mga pagpupulong nito dahil ito raw ay “transparency.”
Bagaman, may impluwensiya ba ang publiko sa ating mga mambabatas na tigilan na nila ang kanilang “pamumulitika” sa pambasang badyet upang pagsilbihan ang kanilang sariling interes?
Sa susunod na taon, aabot lang (daw) sa halos P275 bilyon ang badyet para sa mga flood control projects kumpara sa mga nagdaang taon.
‘Yun nga lang, may ‘carryover budget’ pa na higit P350 bilyon sa taong ito kaya halos P600 bilyon pa rin ang badyet para sa flood control na “puwede” pa ring “madekwat” ng mga tusong mambabatas. Ito ay matapos tanggihan ang panukala ni Batangas Rep. Leandro Leviste na bawasan pa ng 25 porsiyento ang ‘cost estimate’ sa mga proyekto ng DPWH.
At kahit nabisto na “pinepera” rin ng mga mambabatas, lumobo rin sa P33 bilyon ang panukalang badyet para sa ‘farm-to-market roads’ mula sa orhinal na P16 bilyon.
Sa ganang atin, mas mainam na ibinigay na lang ito sa National Task Force on Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil napatunayan na mga proyekto lang ng NTF-ELCAC ang “corruption-free” hanggang ngayon.
At sa halip na palakasin pa ang PhilHealth matapos “maboldyak” ang Kongreso at Malakanyang ng Korte Suprema sa P60 bilyon ‘illegal fund transfer’ mula sa 2024 budget ng PhilHealth, mas pinili ng “BiCam” na lakihan pa ang pondo para sa ‘MAIFIP’ (Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients).
Sa halip tanggalin matapos mabistong ‘political tool’ (translation: pork barrel na pambili ng boto at suporta ng mga mambabatas) at ilipat sa PhilHealth (dahil malaki pa ang utang ng gobyerno), tinaasan pa ito ng BiCam mula sa P24.2 bilyon, na panukala ng Malakanyang, sa halagang P51.6 bilyon.
Sadyang ayaw “tantanan” ng mga pulitiko ang ating badyet. Kelan kaya kayo mahihiya, mga bosing? ###