Advertisers
Nagbabala sa publiko ang National Privacy Commission (NPC) laban sa paglaganap ng voice phishing o vishing, isang uri ng panlilinlang na gumagamit ng tawag sa telepono at mga calling feature ng apps tulad ng Viber at WhatsApp upang makuha ang personal na impormasyon ng mga biktima.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni NPC Deputy Commissioner Atty. Jose Belarmino II na ang vishing ay isang uri ng social engineering kung saan gumagamit ang mga scammer ng manipulasyon upang makuha ang tiwala ng kanilang tinatawagan.
Kadalasan, ginagamitan aniya ito ng mga taktika tulad ng pagmamadali, pananakot, o paglikha ng pekeng emergency upang magdulot ng panic sa biktima.
Ipinaliwanag ni Belarmino na kaiba ang vishing sa karaniwang phishing na gumagamit ng email o text message.
Sa vishing, direktang nakikipag-usap ang scammer sa biktima sa pamamagitan ng tawag, kaya mas nagiging epektibo ito sa panlilinlang.
Dagdag pa ni Belarmino, bahagi rin ng ganitong modus ang biglaang pag-a-add o pagsasama ng mga tao sa group chats sa SMS o social media platforms, kung saan inaasahang makikipag-interact ang biktima at kusang magbibigay ng sensitibong impormasyon.
Kaya paalala ng NPC sa publiko na maging mapagmatyag, huwag basta magtiwala sa mga hindi kilalang tumatawag o mensahe, at iwasang magbahagi ng personal na impormasyon o datos upang hindi mabiktima ng vishing at iba pang uri ng online scam. (Gilbert Perdez)