Advertisers
POSIBLENG sa Hunyo pa magsimula ang paglilitis sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, kahit pa agad na mag-convene ang Senado bilang impeachment court sa oras na matanggap ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
Pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, kinakailangan pa umano ng hindi bababa sa tatlong linggong preparasyon bago tuluyang umusad ang trial.
Ayon pa kay Lacson, kabilang sa mga prosesong kailangang pagdaanan ay ang pagpapadala ng summons, pagtanggap ng sagot ng depensa, at pagsagawa ng preliminary conference o pre-trial upang malinaw ang mga isyung tatalakayin at ebidensyang ihaharap.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng maagang pre-trial upang maiwasan ang kalituhan, katulad aniya ng nangyari sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Samantala, magpupulong naman aniya ang impeachment court kung sakaling maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court of the Philippines upang pagdesisyunan kung paano ito tutugunan.
Sa kabila nito, iginiit ni Lacson na ang impeachment court ay isang constitutional body at ang mga desisyon nito ay pinal at ‘di maaring iapela.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ang Senado ng mga paghahanda sa posibleng paglilitis, kung saan pinaalalahanan ang mga senador na umakto bilang mga hukom.
Sa Mayo 4 ay aakyat na sa plenaryo ng House of Representatives ang reklamo laban sa Bise Presidente matapos itong makitaan ng probable cause o sapat na ebidensya ng House Committee on Justice sa mga pagdinig ng komite.
Habang inaasahan naman sa Mayo 11 ito pagdedesisyonan kung ibabasura o tuluyan ng ipapasa sa Senado para sa paglilitis.