Advertisers
ITINUTURING na “reasonable” ng isang grupo ng mga magsasaka ang pagtaya na maaaring umabot sa P60 hanggang P62 ang presyo ng kada kilo ng bigas pagsapit ng Setyembre.
Sinabi ni Magsasaka Partylist Chairman Atty. Argel Cabatbat na bagama’t may pagtaas sa presyo, makakatulong ito sa mga magsasaka upang makabawi sa patuloy na pagmahal ng mga gastusin sa produksyon, lalo na sa pataba o abono.
Gayunman, nilinaw ni Cabatbat na hindi pa rin nangangahulugan ito ng malaking kita para sa mga magsasaka dahil nananatiling mataas ang presyo ng farm inputs.
Aniya, kung magtitipid naman sa abono, tiyak na bababa ang ani na lalo ring makakaapekto sa kanilang kita.
Umaasa naman ang grupo na hindi na lalagpas pa sa P60 hanggang P62 ang presyo ng bigas upang hindi rin mabigatan ang mga mamimili.
Ayon sa kanila, ang layunin ay makamit ang patas na presyo para sa parehong magsasaka at consumer.
Ipinahayag din ni Cabatbat ang pangamba sa patuloy na tensyon sa Middle East, na maaaring magdulot ng domino effect sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin, kabilang ang bigas.