Advertisers

Advertisers

Quo warranto isinampa laban kay dating Bohol Gov. Arthur Yap kaugnay ng partylist seat

0 45

Advertisers

MANILA — Quo warranto petition inihain sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) upang hilingin na tanggalin si dating Bohol Governor Arthur C. Yap bilang first nominee ng Murang Kuryente Partylist sa House of Represenatives.

Ang kasong nakatala bilang HRET Case No. 25-017 at may pamagat na “Edgardo C. Ingking vs. Arthur C. Yap, 1st Nominee, Murang Kuryente Partylist,” ay may layuning kuwestiyunin ang awtoridad at karapatan ni Yap na humawak ng pampublikong posisyon dahil umano sa kawalan ng kwalipikasyon at sa maling mga pahayag tungkol sa kanyang pagiging kuwalipikado.

Ayon sa petisyon, si Yap ay may perpetual disqualification sa paghawak ng anumang pampublikong tanggapan bunsod ng desisyon ng Office of the Ombudsman na inilabas noong Pebrero 19, 2025 sa kasong “Dan Neri Lim vs. Arthur C. Yap (SG 30), et al.”

Sa naturang kaso, napatunayang nagkasala si Yap at pitong iba pang empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng grave misconduct, na may aggravating circumstance ng serious dishonesty, kaugnay ng mga insidenteng naganap noong siya ay gobernador pa ng Bohol.

Bilang parusa, iniutos ng Ombudsman ang dismissal mula sa serbisyo ni Yap kasama ang mga kaakibat na parusa tulad ng kawalan ng retirement benefits, kanselasyon ng eligibility, at habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng pampublikong posisyon. Nilinaw rin sa desisyon na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga kaakibat na parusang ito.

Binanggit sa petisyon ang Section 7, Rule III ng Rules of Procedure ng Ombudsman, na binago sa pamamagitan ng Administrative Order No. 17, na nagsasaad na ang mga desisyon ng Ombudsman ay agad na ipinapatupad at hindi nahihinto kahit pa may ihain na apela. Pinagtibay ang patakarang ito ng Korte Suprema sa kasong Ombudsman v. Pacuribot (G.R. No. 193336, Setyembre 26, 2018).

Dahil dito, iginiit ng petitioner na si Edgardo C. Ingking na si Yap ay nananatiling tanggal sa serbisyo at habambuhay na diskuwalipikado sa paghawak ng pampublikong posisyon, at wala umanong legal na batayan upang magsilbi bilang miyembro ng House of Representatives bilang first nominee ng Murang Kuryente Partylist.

Iginiit din sa petisyon na nagkaroon ng fraudulent misrepresentation si Yap nang ideklara niya sa kanyang sinumpaang Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination na taglay niya ang lahat ng kwalipikasyon at wala siyang anumang diskuwalipikasyon na itinakda ng batas para sa posisyon.

Naiproklama si Yap bilang first nominee ng Murang Kuryente Partylist noong Oktubre 2, 2025, matapos i-disqualify ng Commission on Elections (COMELEC) ang Duterte Youth Partylist na unang nanalo ng tatlong puwesto. Hindi orihinal na nakakuha ng sapat na boto ang Murang Kuryente upang magkaroon ng puwesto sa Kamara, ngunit naiproklama ito bunsod ng nasabing diskwalipikasyon.

Ang petitioner na si Ingking ay isang rehistradong botante ng Tagbilaran City at kasapi ng Lihok Bol-anon Batok Korapsyon (LIHOK BOL-ANON), isang grupong lumalaban sa katiwalian.

Hinihiling sa petisyon na alisin si Yap sa kanyang puwesto bilang kinatawan ng partylist. Kapag pinaboran ng HRET ang petisyon, ang puwesto ay mapupunta sa second nominee ng Murang Kuryente Partylist.