Advertisers
Ni Favatinni San
Huling nakita ko si Nora Aunor sa isang Christmas party ng mga Noranians, sa imbitasyon ni Sis. Marie Cusi. Kahit tatlong oras ang biyahe mula Bataan patungong Maynila, sinikap kong makadalo upang makasama ang mga nagmamahal sa nag-iisang Superstar, na kalaunan ay kinilalang National Artist.
Gaya ng iba, limang taon ko ring hindi nakita si Ate Guy, na dati ko ring naging boss. (Oo, nagtrabaho po ang inyong lingkod sa NCV-TV, production ni Nora noong 1989.) Na-miss ko ang kanyang 70th birthday sa Seda Hotel. Kahit may karamdaman na siya noon, itinuloy pa rin ang pagdiriwang. Sa kabila ng pandemya, nagawa pa rin niyang makapag-shoot ng mga pelikulang Kontrabida, Ligalig, Pieta, at Mananambal.
Balik tayo sa Noranians Christmas party noong Nobyembre 2024. Ramdam ang hirap ni Ate Guy—nakasuot ng face mask at hirap sa paghinga—kaya hindi siya nagtagal. Gayunpaman, nasilayan pa rin siya ng kanyang mga masugid at tapat na tagahanga. Masaya na kami kahit saglit lamang, dahil kahit kami man ay may kanya-kanyang dinaramdam. Sa dami ng fans na dumagsa, wala na kaming pagkakataong makapagpa-picture.
Gaya ni Ate Guy, dalawang beses din akong naospital. Ang huli ay noong Marso 12–25, 2025. Matindi ang naranasan ko—namamanhid ang aking katawan at nagkaroon ng mapupulang pantal sa kamay, hita, at binti. Labinlimang araw akong naka-confine sa Bataan General Hospital and Medical Center. Kung hindi agad naagapan, maaari akong ma-stroke. Ang aking karamdaman ay rheumatic heart disease na nagdulot ng komplikasyon sa puso.
Lubos ang aking pasasalamat at ako’y nakalabas ng ospital, bagama’t ako’y naka-out-of-duty (OOD) at sumasailalim sa lingguhang check-up simula Abril.
Noong Abril 16, 2025, pumanaw si Ate Guy. Naisip ko noong una na fake news lamang iyon, ngunit makalipas ang ilang oras ay kinumpirma ni Ian de Leon ang kanyang pagpanaw. Napaluha ako. Limang araw siyang pinaglamayan at ginawaran ng Hero’s Burial, bago ihatid sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio.
Walong buwan na ngayong nakahimlay si Ate Guy, ngunit patuloy pa rin ang pagdalaw ng mga tao. Hindi nawawalan ng sariwang bulaklak ang kanyang puntod. Maging mga balikbayan ay dumadayo upang mag-alay ng dasal. Sabi nga ng ilan, tila naging isang tourist attraction na rin ang kanyang puntod—patunay ng walang hanggang pagmamahal ng bayan.
Hanga kami kay Jen Donna Pergis Morera, na kusang naglaan ng oras bilang volunteer caretaker. Maraming salamat din sa iyo, Jen Donna, at sa mga anonymous Noranians na patuloy na tumutulong upang maipamalas ang sharing love, care, and joy—lalo na sa mga Noranians na may karamdaman—upang maging mas makabuluhan at masaya ang Kapaskuhan.
Namimiss ko ang mga Christmas party sa bahay ni Ate Guy at ang huling araw ng shooting kung saan may pa-cash raffle, gift certificates, at marami pang surpresa. Tunay na minahal siya ng lahat. Ang kanyang ambag sa lokal na industriya ng pelikula ay walang kapantay, at maging sa ibang bansa ay kinilala siya bilang International Best Actress sa iba’t ibang festival. Siya rin ay kinilala bilang Alagad ng Sining para sa Broadcast Media and the Arts ng NCCA, na pinagtibay ng CCP.
Mananatiling buhay ang alaala ni Nora Aunor—isang paalala ng kahalagahan ng sining, katotohanan, at pagmamahal sa kapwa.
Maraming salamat sa iyo, Ate Guy, sa iyong musika, sa iyong pagganap, at sa iyong pagiging totoo. Ngayon, ikaw ay nasa kaharian ng Diyos—masaya, payapa, at may walang hanggang kapahingahan.