Advertisers
MALINAW na ang kalidad ng edukasyon at serbisyong panlipunan ay hindi lamang usapin ng polisiya kundi ng pagkakataon, lalo na sa mga liblib na lugar tulad ng Calapan, Oriental Mindoro.
Kapag kakaunti ang industriya at pribadong katuwang, mas ramdam ng mga paaralan at komunidad ang kakulangan, mula silid-aralan hanggang serbisyong pangkalusugan.
Dito pumapasok ang halaga ng partnerships. Ang karanasan ng Department of Education (DepEd-Calapan) ay patunay na hindi sapat ang pondo ng gobyerno kung nag-iisa lamang ito.
Kaya masasabing ang kolaborasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad ang nagsisilbing tulay upang mapunan ang mga kakulangan, isang prinsipyong malinaw na isinusulong ng SM Foundation, Inc. (SMFI).
Sa pamamagitan ng mga programang pang-edukasyon ng SMFI tulad ng school buildings at scholarships, nabibigyan ng konkretong pagkakataon ang mga mahihirap na kabataan.
Sa panahon naman ng sakuna, ang mabilis at organisadong pagtugon sa pamamagitan ng Operation Tulong Express (OPTE) ay nagpapakita kung paano nagiging sentro ng komunidad ang pribadong institusyon kapag may malinaw na layunin at koordinasyon.
Simple ang aral ngunit mahalaga. Hindi kayang buhatin ng iisang sektor ang tunay na kaunlaran.
Masasabi nga na sa sama-samang pagkilos, napapaliit ang agwat ng oportunidad at napapalapit ang pag-asa, kahit sa mga lugar na matagal nang nasa gilid ng mapa.
Mabuhay ang SMFI at ang DepEd Calapan!
***
Samantala, ipinaalala ng Malacañang na ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control project ay hindi natatapos sa isang pag-aresto o sa paglipas ng Pasko.
Aba’y tama nga naman dahil ang pagkakakulong ng mag-asawang Discaya ay simula pa lamang daw ng mas malawak na paniningil ng pananagutan, isang prosesong matagal ngunit kinakailangan ito.
Tama ang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez na ang ganitong mga kaso ay hindi minamadali.
Gaya nga ng kaso ni Janet Lim-Napoles, inabot ng panahon bago tuluyang naihatid sa kulungan ang mga sangkot sa pork barrel scam.
Malinaw ang mahalagang mensahe ng PCO Chief na walang sagrado sa batas at walang ligtas kung may ebidensiya ng katiwalian.
Kung totoo man na mas malaki ang saklaw ng umano’y nakulimbat na yaman ng Discaya couple, mas lalong dapat maging masinsin at tuluy-tuloy ang imbestigasyon. Ang pondo para sa flood control ay pondo para sa kaligtasan ng mamamayan, hindi para sa personal na kayamanan.
Sa Bagong Taon, asahan daw ng publiko na hindi matatabunan ng panahon ang isyung ito.
Sabi nga, ang hustisya para maging makabuluhan ay kailangang buo, patas at walang kinikilingan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.