Advertisers

Advertisers

ANO MAAASAHAN SA 2026?

0 50

Advertisers

SA LARANGAN ng pulitika, dalawa ang inaaasahan naming mangyayari: una, mawawala si Sara Duterte; at ikalawa, maglalabasan ang mga kandidato na sasabak sa halalang pampanguluhan sa 2028. Tandaan na tapos na ang mga Duterte.

Tuluyang maglalaho si Sara sa 2028. May 12 buwan upang wasakin ang karera niya sa pulitika. May nakaambang dalawang panganib sa kinabukasan niya sa pulitika. Maaaring ituloy ang impeachment trial ni Sara, ang proseso na pinatay ni Chiz Escudero noong siya ang Senate President.

Walang dahilan upang hindi ito ituloy. Kahit si Chiz nanganganib dahil malaki ang tsansa na makulong siya dahil sa pandarambong sa kaban ng bayan kaugnay sa flood control scam. Sangkot si Chiz sa eskandalo.

Maaaring ikulong si Sara kaugnay sa kasong plunder na isinampa sa kanya ng mga lider ng Civil society. Kahit ano ang mauna, walang kabuhay buhay ang pangarap niya na lumahok sa halalan sa 2028. Nasisiguro na hindi siya makakalahok. Tapos na ang mga Duterte, aming uulitin.

Sa huli, hindi na pag-uusapan si Sara sa mga kandidato sa 2028. Hindi na siya kasali. Alaala na lang siya ng mga taga-Davao City na nangangarap na galing Katimugan ang muling mamumuno sa bansa. Sa diretsong usapan, palpak si Sara. Hindi siya karapat-dapat na mahalal na pangulo. Hindi siya puedeng pangulo.

Dahil mawawala sa larangan sa pulitika ng bansa si Sara, inaasahan na malayang maglalabasan ang ibang kandidato sa 2026. Mula sa demokratikong oposisyon, maaaring maglaban si Risa Hontiveros at Bam Aquino. May malaking tsansa si Risa dahil buong-buo ang kanyang organisasyon – Ang Akbayan Party List.

Pinatunayan ito ng Akbayan nang sila ang nanguna sa halalan ng 2025. Nakuha nila ang tatlong upuan sa halalan para sa Party List. Hindi namin alam kung susuportahan ng Liberal Party si Bam dahil ang balita namin ay kumalas na siya sa lapiang ito. Hindi rin namin alam kung may Liberal Party pang buo na puedeng sumabak sa 2028.

Hindi kami pabor kung Leni Robredo muli ang isabak ng Liberal Party. Hindi kami kumporme sa pakipot politics niya. Ito ang dahilan kung bakit natalo noong 2022. Kapag siya ang inilaban ng lehitimong democratic opposition, muli siyang madudurog. Pinakamaganda na muli siyang tumakbo bilang alkalde ng Naga City.

Sa maikli, hayaan na lang natin ang proseso na uminog kay Risa at Bam, bagaman pinapaboran namin si Risa. Mas angkop si Bam sa Senado. Matatapos ang termino ni Risa bilang senador sa 2028, kaya pinakamaganda na maghanda ang puwersang demokratiko sa kandidatura ni Risa. Tama si Sonny Trillanes na si Risa ang isabak sa 2028.

Hindi namin alam kung sino ang mamanukin ni BBM sa 2028. Mahirap isabak o sinuman mula sa Kongreso. Hindi namin alam kung lilipad ang kandidatura ni Jonvic Remulla, ang kalihim ng DILG. Maaari niyang isabak si Gibo Teodoro bagaman may kahirapan isabak si Gibo sa national politics.

Iyan ang hindi pa natin malalaman sa ngayon. Pero sa 2026, magkakaroon tayo ng ideya at linaw. Isa lang ang masasabi namin. Nakikita namin na ang kandidato ni BBM sa 2028 ay hindi galing sa isa sa pinakamamalaking dinastiya pulitika ng bansa. Salat ni BBM ang pulitika ng bansa. Alam niya kontra ang sambayanan sa dinastiya pulitikal.

Sino kaya? Hayaan muna natin ang tanong na iyan. Manigong Bagong Taon sa ating bansa!

*

BIGLANG tumiklop ang mga huwad na environmental group sa Zambales. Bistado sila na hindi ang kaligiran ng bansa ang ipinaglalaban nila. May iba silang pakay. Pero ang nakakapagtaka ay ang kapal ng apog nila na awayin ang lahat na hindi sang-ayon sa kanilang ipinaglalaban kuno. Bistado silang peke.

Inaway nila lahat at iisa ang katwiran. Kapag hindi ayon sa kagustuhan at ipinaglalaban kuno, kagyat na pagbibintangan na nabili ng kanilang kaaway. Kaaway na rin sila. Basag-ulo ang kanilang pakay at hindi ang paunlarin ang kaligiran ng lalawigan.

Teka nga pala, wala silang binabanggit sa ginagawang pangangamkam ng Tsina sa karagatan ng Filipinas. Si Kin. Jeff Khonghun ang pangunahing lider pulitikal na nagbabala sa pang-aagaw ng Tsina sa teritoryo natin. Mahalagang na kilalanin natin ang ambag ni Konghun sa bansa at Zambales.

***

Email:bootsfra@gmail.com