Advertisers

Advertisers

Isko: Enero 9 walang klase, trabaho sa Maynila; may liquor at firecracker ban para sa #Nazareno2026

0 38

Advertisers

Ipinatupad ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang serye ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at kabanalan ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Nilagdaan ni Domagoso ang Executive Order No. 1, Series of 2026 na nagsususpinde ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan, sa Enero 9.

Ayon kay Domagoso, layon ng suspensiyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makilahok sa taunang Traslacion na dinadaluhan ng milyun-milyong mananampalataya.



Gayunman, magpapatuloy ang operasyon ng mga frontliner kabilang ang peace and order, serbisyong panlipunan, traffic enforcement, disaster risk reduction, at serbisyong pangkalusugan.

Samantala, nasa pagpapasya ng pamunuan ng mga national government offices at pribadong kompanya sa Maynila ang pagsuspinde ng trabaho.



Nilagdaan din ng alkalde ang Executive Order No. 2, Series of 2026 na nagtatakda ng liquor ban sa Enero 9 sa loob ng 500 metrong radius ng Quiapo Church at sa buong ruta ng Traslacion.

Ipinagbabawal dito ang pagbebenta at pag-inom ng alak upang mapanatili ang kaayusan at igalang ang kabanalan ng relihiyosong pagdiriwang. Inatasan ang Manila Police District at iba pang ahensiya ng kapulisan na mahigpit na ipatupad ang kautusan.



Sa hiwalay na kautusan, nilagdaan ni Domagoso ang Executive Order No. 3, Series of 2026 na nagdedeklara ng total firecracker at pyrotechnics ban mula Enero 8 hanggang 9 sa buong lungsod ng Maynila.

Layunin ng pagbabawal na maiwasan ang mga pinsala, sunog, at iba pang panganib sa gitna ng inaasahang dagsa ng mga tao sa pagdiriwang ng Itim na Nazareno.

Binanggit ni Domagoso ang umiiral na mga pambansang batas at ang memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2023 na humihikayat sa mga lokal na pamahalaan na higpitan ang paggamit ng mga paputok at limitahan lamang ito sa mga pinahihintulutang community display.

Agad na magkakabisa ang tatlong executive order matapos ang pag-apruba at ipapadala ang mga kopya nito sa Malacañang alinsunod sa Local Government Code of 1991.(BP)