Advertisers
NAKATAKDANG umalis si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong United Arab Emirates sa Enero 12 para sa isang working visit, ayon sa pahayag ng Malakanyang nitong Huwebes, Enero 8.
Ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay sa imbitasyon ni UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan.
Ang Punong Ehekutibo ay lalahok sa Abu Dhabi Sustainability Week, na nakatakda mula Enero 11 hanggang 15, kung saan tatalakayin ng mga pinuno mula sa gobyerno, negosyo, at lipunan ang mga hakbang upang isulong ang pandaigdigang pagpapanatili.
Makakasama ng Pangulo ang iba pang mga pinuno ng estado at pamahalaan sa pagtalakay sa mga isyu na may kaugnayan sa enerhiya, tubig, mga usapin sa pananalapi, pagkain at kapaligiran, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Nakatakda rin dumalo si Pangulong Marcos sa paglagda sa dalawang mahahalagang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at UAE, ito ay ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) at ang Memorandum of Understanding on Defense Cooperation.
Sinabi ni Castro na ang CEPA ang kauna-unahang free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa mula sa Middle East na naglalayong palawakin ang market access sa rehiyon.
Samantala, ang Memorandum of Understanding on Defense Cooperation ay nagsisilbing matibay na pundasyon para sa pakikipagtulungan sa UAE para mapaunlad ang mga tekno-lohiya sa pagtatanggol ng Pilipinas, ayon kay Castro. (Vanz Fernandez)