Advertisers
ISANG foreigner ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na madiskubre na hindi sa kanya ang hawak nitong travel documents bago pa man umalis papuntang Italy, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ang pasahero, na kinilala bilang si Nimo Ahmed Hassan, 21-anyos, isang babaeng may hawak ng Swedish passport.
Tinangka ni Hassan na umalis papuntang Italy sa pamamagitan ng flight ng Qatar Airways nang mapansin ng mga opisyal ang mga pagkakaiba.
Bagama’t napatunayang authentic ang mismong pasaporte, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang pagsasanay ng mga opisyal, na suportado ng biometric face-referencing technology, ay malinaw na nagpapahiwatig na ang may hawak ay hindi ang may-ari ng dokumento.
Napag-alaman na ang suspek ay isang impostor na nagmula sa East Africa, bagama’t nagpapatuloy ang pagsisiyasat upang matukoy ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at mahanap ang kanyang aktwal na travel documents.
Binigyang-diin ng BI na ang mga frontline officer nito ay sumasailalim sa tuluy-tuloy na pagsasanay sa pagtuklas ng pandaraya at pag-verify ng pagkakakilanlan, at ang mga advanced na teknolohiya ng face-referencing na isinama sa mga system nito ay nananatiling critical tool sa pagpigil sa mga ilegal na paglalakbay at transnational crimes.
Agad na inaresto si Hassan at dinala sa holding facility ng BI kung saan siya mananatili habang nahaharap sa mga paglilitis sa deportation. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)