Advertisers

Advertisers

8-anyos brutal na pinatay sa taga

0 36

Advertisers

TADTAD ng taga ang katawan ng walong taon gulang na batang lalaki nang matagpuan ng mga awtoridad matapos mawala sa Barangay 2, San Pablo City, Laguna.

Kinilala ang biktima na si alyas “Jay”, isang estudyante at residente sa naturang lugar.

Ayon sa umampon at tumatayong ama ng batang biktima na si Edilberto Nodero, 65 anyos, 6:00 ng umaga nakatakda niyang ihatid sa eskuwelahan ang bata, nguni’t napansin niyang wala ito.



Sinasabing naka-uniporme na noon ang bata nang iwanan ng kaniyang tiyuhin sa loob ng kanilang bahay. Maliligo lang daw noon ang tiyuhin na maghahatid sa biktima sa eskwela noong Biyernes, Enero 9. Subali’t, pagkatapos maligo ng tiyuhin wala na raw ang bata sa kanilang bahay at tanging ang bag lang nito ang naiwan.

Inakala ng kapamilya ng biktima na nauna na siya sa kanilang paaralan kaya’t sinunod nalang ang bag niya. Laking gulat daw nila nang mapag-alamang wala rin ang biktima sa eskuwelahan.



Doon na nagpasya ang pamilya ng biktima na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mahanap ito.

Ayon sa ulat, liblib ang daanan papasok ng bahay ng biktima, at 100 metro mula sa naturang daan natuklasan sa gubat ang karumal-dumal na sinapit ng biktima.



Naliligo na sa sariling dugo ang bata na tapyas ang tainga at putol-putol ang mga daliri niya sa kamay.

Sa panayam sa pamilya ng biktima, wala umano silang nakikitang motibo upang sapitin ng bata ang malagim na krimen.

Samantala, hawak na ng pulisya ang person of interest sa nasabing krimen. Batay sa salaysay ng ilang saksi, ang lalaki na malapit din sa pamilya ng biktima ang nakakita na naghahasa ng isang itak, bago madiskubre ang krimen. Namataan din ang lalaki na may mga dugo sa kaniyang damit.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at SOCO sa krimen, at nag-alok na rin ng pabuyang P100,000.00 ang barangay at si Congressman Loreto Amante para sa ikadarakip ng salarin. (Koi Laura)