Advertisers

Advertisers

Kelot timbog sa baril at granada sa Pasay

0 15

Advertisers

Arestado ang isang lalaki nang mahulihan ng baril, granada at daan-daang ATM at credit cards sa isang operasyon sa Pasay City, Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Arvin Pangan, 30, walang asawa at walang trabaho, residente ng F.B. Harrison Street, Pasay City.

Inaresto ng mga tauhan ng Substation 1 (CCP Complex) ang suspek sa pamumuno ni PCPT Dennis D. Desalisa, OIC ng Substation 1, kasama sina PCMS Jonathan Bayot, PSSg Marvin Kieth Candelario, at PSSg Allen Brent Dulnuan.



Ayon sa ulat ng Pasay City Police Station (CPS), 2:00 ng madaling-araw noong Enero 11, 2026 nang isagawa ng mga tauhan ng Sub-Station 1 (CCP Complex) ang Oplan Sita sa F.B. Harrison Street, Barangay 3, Pasay City.

Sa report, pinara ng mga pulis ang isang Toyota Wigo na may plakang NHI-4896 na minamaneho ng suspek at habang iniinspeksyon ang sasakyan, napansin ng isa sa mga pulis ang isang baril na lantad na nakikita sa loob ng sasakyan, kasama ang magazine nito.



Dahil dito, agad inutusan ang suspek na bumaba ng sasakyan at isinailalim sa kustodiya ng pulisya.

Sa isinagawang search incidental to a lawful arrest, narekober sa loob ng sasakyan ang isang hand grenade na nasa unahang upuan.



Bukod dito, natagpuan din ng mga pulis ang apat na plaka ng sasakyan at humigit-kumulang 500 ATM, debit at credit cards, na hinihinalang may kaugnayan sa mga iligal o mapanlinlang na transaksyon sa pananalapi.

Dahil sa panganib na dulot ng granada, humingi ng tulong ang mga pulis sa Pasay City Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team upang ligtas na mahawakan at masuri ang nasabing eksplosibo.

Nabigo ang suspek na magpakita ng anumang legal na dokumento para sa baril, granada at sasakyan. Ipinaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang pag-aresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, subali’t pinili niyang manahimik.

Isinagawa ang inventory ng mga ebidensiya sa presensya ng suspek at isang barangay opisyal bago ito dalhin sa Pasay City General Hospital para sa pisikal na eksaminasyon.

Isinailalim ang suspek at mga nakumpiskang ebidensiya sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay CPS para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang mga kaso.