Advertisers
ARESTADO ang isang ina sa Pasig City nang masagip ng mga awtoridad ang kaniyang isang taon-gulang na sanggol nang ipagbili kapalit ng halagang P8,000.
Ayon sa Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), agad silang nagsagawa ng operasyon nang matuklasan ang isang Facebook post na inalok ng ina ang kaniyang anak sa ilalim ng diumano’y “adoption” o pag-aampon kapalit ng pera.
Noong Enero 14, nakipag-ugnayan ang isang cyber patroller ng PNP-ACG sa ina sa pamamagitan ng Facebook Messenger bilang bahagi ng undercover operation.
Sa kanilang pag-uusap, napagkasunduan ang bentahan ng bata sa halagang P8,000, dahilan ng agarang pag-aresto sa ina.
Kinumpirma ni PNP-ACG Director, Brigadier General Wilson Asueta, na nagbigay ng paunang bayad ang mga operatiba bago ang aktwal na pagkikita upang matiyak ang transaksyon at maisakatuparan ang operasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, may pitong anak ang babae at wala itong hanapbuhay, nagtulak sa kaniya upang ibenta ang isa sa mga anak.
Lumalabas din sa imbestigasyon na hindi ito ang unang pagkakataong nagbenta siya ng sariling anak, dahil may isa na raw na naipagbili noon, habang ang iba pang bata ay nasa pangangalaga ng kaniyang mga kamag-anak.
Patuloy na tinutunton ng mga awtoridad ang ama ng bata, na posibleng walang kaalaman sa ginawang tangkang pagbebenta ng kaniyang anak.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng Pasig City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang sanggol. Samantala, nakakulong na ang ina at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.