Advertisers
Ni Anne Venancio
TREND ngayon ang “2026 is the new 2016,” kaya matinding nostalgia ang naramdaman matapos mag-post ang ilang celebrity ng kanilang throwback photos mula isang dekada na ang nakalipas. Layunin ng trend na balikan ang mga unang yugto ng kanilang karera at ipakita kung gaano na kalayo ang kanilang narating sa industriya.
Kabilang si Ellen Adarna sa nakiuso, kung saan pinost niya sa kanyang Instagram account ang ilang larawan niya noong 2016, kabilang ang isang black-and-white beach photo kung saan nakatalikod siyang naka-pose. Tinawag ni Ellen ang panahong iyon bilang kanyang “hubadera era” at inilarawan ang sarili bilang “young, wild and free,” isang yugto ng kanyang buhay na wala pang mabibigat na responsibilidad. Nilagyan niya rin ng hashtags na “noRAGRETS” at “yolo” ang kanyang post.
Noong 2016, edad 28 si Ellen at aktibo ang kanyang karera sa telebisyon. Naging bahagi siya ng mga ABS-CBN series na Pasión de Amor, The Greatest Love, at Langit Lupa. Sumali rin siya sa sitcom na Home Sweetie Home, na pinagbidahan nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz kung saan nauwi sa relasyon ang tambalan nila ng aktor at pansamantalang lumayo sa limelight nang magkaroon sila ng anak, si Elias.
Samantala, umani ng positibong reaksyon mula sa netizens ang throwback post ni Ellen. Marami ang humanga sa kanyang hitsura, na tila hindi nagbago sa paglipas ng mga taon. May mga netizen ding nagsabing naging inspirasyon nila si Ellen sa fitness at body confidence.