Advertisers

Advertisers

Isko: P476.5M allowance para sa Seniors, PWDs, Solo Parents tuloy sa Ene. 28 – 30

0 16

Advertisers

Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na maglalabas ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng P476.488 milyong allowance para sa mga senior citizen, solo parent, at persons with disabilities (PWDs) mula Enero 28 hanggang 30, 2026.

Ginawa ni Domagoso ang anunsyo sa isang Facebook livestream noong Miyerkules ng hapon, Enero 21.



Ayon sa alkalde, sasaklawin ng payout sa Enero ang mga naantalang allowance ng Setyembre hanggang Disyembre 2025 para sa mga solo parent at PWD, at Oktubre hanggang Disyembre 2025 naman para sa mga senior citizen.

“Nabawasan na po si Judith (due date),” ani Domagoso, na tumutukoy sa pagbawas ng mga naiipong obligasyon sa allowance.



Sinabi rin niya na kabuuang 282,040 benepisyaryo – kabilang ang mga senior citizen, solo parent, adult PWD, at PWD minors—ang inaasahang makakatanggap ng allowance sa loob ng tatlong araw na payout.

“Ibig sabihin po nito, mahigit P1.1 bilyon na po ang nailabas natin mula noong ibinalik tayo ng taumbayan sa puwesto noong Hunyo 30, 2025,” dagdag ng alkalde.



Isasagawa ang payout ayon sa distrito: Enero 28 – Distrito 1 at 2; Enero 29 – Distrito 3 at 4; Enero 30 – Distrito 5 at 6.

Saklaw nito ang lahat ng grupo ng benepisyaryo.

Batay sa mga datos na ipinakita, 205,505 senior citizen ang tatanggap ng kabuuang P325.839 milyon (para sa Oktubre–Disyembre 2025); 16,673 solo parent – P33.346 milyon; 49,687 adult PWD – P97.458 milyon; at 10,175 PWD minors – P19.845 milyon.

Dahil dito, aabot sa P476.488 milyon ang kabuuang payout para sa Enero 2026.

Ayon pa kay Domagoso, base sa beripikasyon ng City Treasurer, mahigit P700.315 milyon na ang nailabas na allowances at pensyon para sa mga senior citizen, PWD, at solo parent mula Hulyo hanggang Disyembre 2025, kabilang ang mga pondong galing sa lungsod at sa pambansang pamahalaan na idinaan sa city government. (BP)