Advertisers
ISANG linggo na ngayon matapos ang ‘formal diplomatic protest’ ng China sa ginawang pambabastos ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, kay Chinese President Xi Jinping, sa harap ng mga estudyante sa isang forum sa De Lasalle University noong Enero 14.
Isang linggo na ngayon at nakabibinging katahimikan ang sagot ng goberyeno—DFA, PCG at NSC—sa protesta ng China.
Sa halip na “busalan,” pinabayaan pa nga si Tarriela at katulad niyang “tuta” ng Kano na si Ronald Llamas na “diinan” pa ang kabastusan ni Tarriela sa pagbanggit sa ‘Vienna Convention’ na gumagabay sa trabaho at asal ng mga ‘diplomats’ sa kanilang kinaanibang bansa.
Ang “mensahe” nila? “Wala kayo (China) sa posisyong magreklamo dahil nasa Pilipinas kayo, “bisita” lang namin kayo kaya gagawin namin ang gusto namin at wala kayong magagawa!
Sa patuloy na pananahimik ng gobyerno at patuloy na pag-iingay ni Tarriela at mga katulad niya, malinaw ang “mensahe” sa China at sa publiko: Basta “upak” sa China, “okay” lang!
‘Two can dance the tango,’ wika nga. Paano naman kaya na kung sa mga ‘university forums’ sa China, ipakita naman ang ‘caricature’ ni PBBM na “sumisinghot” o si Secretary Gibo Teodoro na nababalot ng watawat ng Malta para ipakita siyang isang pekeng Pinoy, matutuwa kaya tayo?
Paano rin kaya kung magprotesta tayo sa “pambabastos” sa ating mga lider eh, “isupalpal” din ng China ang Vienna Convention sa mukha ni DFA Secretary Theresa Lazaro at PBBM? Sino ang napahiya?
Kung hindi pa talaga “bumabaon” sa utak ng mga “tolongges” sa gobyerno, walang halaga ang ‘Pinas sa China. Ano mang ‘export’ natin sa China ay kayang palitan ng mga ‘export’ mula sa ibang bansa.
Kabalitaran pa nga, ‘Pinas ang “nakasandal” sa China dahil dito tayo nagbebenta ng ating mga produkto at mga ‘Made in China’ ang nagpapatakbo sa ating komersiyo at industriya.
Nagpakahirap sina Lazaro at DOT Secretary Christina Frasco para muling pabalikin sa bansa ang mga ‘Chinese tourists’ dahil bilyones ang tulong nila sa ating ekonomiya.
Eh, paano sila darating kung alam nila na dito sa atin, kahit isang “kamote” lang sa Coastguard, may “kapangyarihan” na bastusin ang presidente nila?
Kung lider nga nila, binabastos ng harapan, sila pa kaya sa kamay ng mga mas kamote pa kay Tarriela?
Isa lang naman ang solusyon dito—sibakin na si Tarriela!
Abangan!