Advertisers
SA wakas ay namulat na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa katotohanang hindi sapat ang simpleng pagtapal ng aspalto upang maresolba ang matagal nang problema sa ating mga kalsada.
Sa isinagawang inspeksyon sa Camarines Sur at Quezon kamakailan, inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagtigil sa mga patingi-tinging road repair upang bigyang-daan ang isang “comprehensive master plan” na bubuuin sa tulong ng mga Japanese consultant.
Ito ay hakbang na agad sinuportahan ni Camarines Sur Governor LRay Villafuerte, lalo’t matagal nang ramdam ng mga Bicolano ang hirap ng byahe sa ilang bahagi ng rehiyon.
Sa usapin ng road slipping at pangmatagalang tibay ng mga highway, may mahalagang aral na hindi dapat isantabi. Ang solusyong hinahanap ngayon ay matagal nang napatunayan sa Sorsogon sa panahon ng pamumuno ng noo’y gobernador at ngayo’y senador na si Chiz Escudero. Mismo!
Sa maraming aspeto, maituturing na huwaran ang Sorsogon sa tamang pag-rehab ng mga kalsada. Habang sa ibang lugar ay paulit-ulit na patse-patse ang ginagawa, pinili ni Escudero ang pamumuhunan sa tamang teknolohiya at pagkuha ng mga eksperto, kabilang ang mga foreign consultant. Pinatunayan nito na kung may political will, may solusyon.
Hindi biro ang papuring sinabi nina Sec. Dizon at Gov. Villafuerte tungkol sa Sorsogon. Isa itong malinaw na pagkilala na ang pamantayang ipinatupad noon ay hindi lamang pang-lokal, kundi pumapantay sa international standards.
Ang karanasan ng Sorsogon ay hamon sa mga lider sa buong bansa. Bakit kailangan pang hintayin ang krisis bago gumawa ng tama? Kung nagawa ito sa isang probinsya, malinaw na maaari rin itong gawin sa iba. Kailangan lamang ng tiwala sa siyensya, respeto sa eksperto, at malasakit sa bawat pisong mula sa taumbayan.
Sa pag-rehab ng Maharlika Highway, sana ay hindi lang kalsada ang ayusin. Nawa’y maisaayos din ang pananaw sa pamumuno na inuuna ang kalidad kaysa sa madali at pansamantalang solusyon. Gaya ng napatunayan sa Sorsogon, pwede naman pala. Mismo!
***
Inanunsyo nitong Biyernes ng Department of Justice (DoJ) na kasalukuyan silang nagsasagawa ng case buildup laban kina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa pagkakasangkot nila sa flood control scandal.
Sa mga imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, paulit-ulit na nababanggit ang pangalan ng mga senador na ito, umano’y kumana ng malaking kickback sa ibinaba nilang programa, flood control projects, sa DPWH.
Kasalukuyan nang nakakulong sa kahalintulad na kaso si dating Senador Bong Revilla.
Subaybayan!