Advertisers
NAPAPANAHON ang paglulunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Bagong Pilipinas Merit-Based Scholarship Program (BPMSP).
Isa kasi itong mahalagang hakbang tungo sa edukasyong may malinaw na direksiyon.
Sa matagal na panahon, kapos ang bansa sa mga propesyunal sa hanay ng ilang mahahalagang sektor.
Hindi dahil kulang ang kakayahan ng kabataan, kundi dahil kulang din ang oportunidad.
Kaya sa pagbibigay ng scholarship sa mga nangungunang nagtapos sa senior high school, mula man sa pampubliko o pribadong paaralan, pati na sa mga kwalipikadong mag-aaral ng teknikal at bokasyonal na edukasyon, malinaw ang mensahe na ang husay at sipag ay dapat sinusuportahan.
Aba’y mas mahalaga na ang pagtutok sa mga kursong may mataas na pangangailangan ay nagpapakitang ang edukasyon ay dapat magsilbi hindi lamang sa indibidwal, kundi sa buong bansa.
Tama rin ang pagkilala ni PBBM na hindi sapat ang tulong-pinansyal kung hindi naaabot ng impormasyon ang mga pamilyang higit na nangangailangan.
Sa puntong ito, importante ang Project Patuloy na Edukasyon, Patuloy na Pag-Ahon o Project PEPA, na naglalapit ng kaalaman hinggil sa mga programang pang-edukasyon sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa kabilang banda, nariyan din ang CHED-TANAW na isang positibong hakbang tungo sa mas malinaw at tapat na pamamahala sa sektor ng edukasyon.
Aba’y sa pamamagitan ng tamang datos, mas nagiging responsable ang mga institusyon at mas nagiging matalino sa pagpili ang mga mag-aaral.
Maliban dito, mahalaga ring bigyang-diin ang pagkilala ni Pangulong Marcos sa mga guro, sapagka’t walang programang magtatagumpay kung wala ang kanilang sakripisyo at dedikasyon.
Sila ang tulay sa pagitan ng polisiya at tunay na pagbabago sa loob ng silid-aralan.
Nakikita natin na sa kabuuan, ipinapakita ng mga hakbang na ito ang isang mas organisado at may layuning reporma sa edukasyon.
Nariyan din ang susunod na hamon at ito ay ang tuluy-tuloy at tapat na pagpapatupad upang matiyak na nagiging totoong pagkakataon para sa kabataang Pilipino ang bawat pangako.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.