Advertisers

Advertisers

ANO ANG KAHALAGAHAN NG ASEAN-BAC?

0 15

Advertisers

SA pag-upo ng Pilipinas bilang Chair ng ASEAN-Business Advisory Council (ASEAN-BAC) para sa taong 2026, malinaw ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—pasasalamat, pagtitiyaga, at pagkakaisa ang magiging gabay ng bansa.

Binanggit ni PBBM sa ginanap na ceremonial handover sa Malakanyang ang layunin na palakasin pa ang kalakalan at pamumuhunan sa buong Timog-Silangang Asya.

Hindi lamang ito para sa pag-unlad ng iilang bansa, kundi para sa kapakinabangan ng buong rehiyon.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng nasimulan ng mga naunang namuno sa ASEAN-BAC.

Aniya, ang matibay na pundasyong kanilang iniwan ang magsisilbing sandigan ng Pilipinas sa panibagong yugto ng pamumuno.

Kaakibat ng tema ng ASEAN ngayong taon na “Navigating Our Future, Together,” kinilala ng Pangulo ang mga hamon at pagbabago sa ekonomiya at teknolohiya sa rehiyon.

Para nga raw sa kanya, mas nagiging krusyal ang pagtutulungan upang matiyak na ang pag-unlad ay nararamdaman ng lahat.

Bagama’t hindi madalas nababanggit, ang ASEAN-BAC ay may direktang epekto sa kabuhayan at kinabukasan ng mga mamamayan sa Timog-Silangang Asya.

Ito ang nagsisilbing boses ng sektor ng negosyo sa loob ng ASEAN. Dito nagmumula ang mga suhestiyon kung paano mapapalakas ang kalakalan, mapapadali ang pamumuhunan, at mapalalago ang mga negosyo—lalo na ang maliliit at katamtaman.

Sa pamamagitan nito, mas nagiging malinaw ang direksiyon ng ekonomiya ng rehiyon.

Hindi lamang ito usapin ng kita ng malalaking kumpanya. Kapag maayos ang takbo ng kalakalan at bukas ang mga merkado, mas maraming trabaho ang nalilikha at mas maraming Pilipino ang nakikinabang.

Ibig sabihin, ang mga desisyong tinatalakay sa ASEAN-BAC ay may epekto sa pang-araw-araw na buhay ng karaniwang mamamayan.

Kaya nga sa pagtuntong ng Pilipinas bilang ASEAN-BAC Chair, may pagkakataon ang bansa na itaguyod ang inklusibong pag-unlad—isang pag-unlad na hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.