Advertisers
HILONG-HILO ang kampo ni Gongdi, ang dating pangulo ng Filipinas na kasalukuyang nasa piitan ng ICC sa Olandiya. Hilong talilong. Hindi malaman ang gagawin. Mukhang sumabog na ang depensa ni Gongdi sa ICC dahil may tangka si Misfit Sara na palitan si Nicholas Kaufman bilang punong manananggol sa sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi.
Hindi basta nagpapalit ng heneral sa gitna ng laban. Kung may nakikitang tagumpay, bakit magpapalit. Kahungkagan ang plano ni Misfit Sara na palitan si Kaufman ng bagong abogado na kukumpas sa pagtatanggol kay Gongdi. Isa lang ang ibig sabihin ng plani ni Misfit Sara: nahaharap sila sa malaking talo at tuluyang malilitis si Gongdi.
Hindi makakalaya si Gongdi sa pinakamadaling panahon. Mananatiling nakakulong si Gongdi sa piitan ng IC at maaaring doon na siya mamamatay.
Walang nangyayari sa mga tangka ng kampo ni Gongdi na pigilan ang paglilitis ng mamamatay tao ng Davao City. Sumulong ang sakdal at nananatili sa piitan si Gongdi. Wala kinahinatnan sa mga walang katuturan katwiran na pigilan ang paglilitis. Hindi epektibo si Kaufman. Pero yumaman sa laki ng ibinibigay ng kabayaran sa kanyang serbisyo.
Ang opisyal na bayad ni Kaufman at ang team niya na may anim o pitong manananggol ay 40,000 Euro kada buwan. Abot ito sa mahigit P2.5 milyon. Hindi nakasaad ang pailalim na ibinabayad ni Misfit Sara. Marami ang nanghula na abot ito sa napakalaking halaga.
Ipinakita ng dalawang desisyon ng ICC na hindi umubra ang estratehiya ni Kaufman upang kumbinsihin ang ICC na ipagpaliban ang paglilitis at, kung maaari, huwag litisin si Gongdi. Nabigo si Kaufman na ibigay ang hinihingi ni Misfit Sara.
Una, matutuloy ang confirmation of charges hearing ni Gongdi sa ika-23 ng Pebrero pagkatapos ng limang buwan na pagpapaliban. Hindi napigil ni Kaufman kahit anong katwiran ang kanyang iharap sa ICC. Malusog si Gongdi upang humarap sa paglilitis. Hindi siya nag-uulyanin tulad ng kanilang ikinatwiran.
Nagbabala si Kaufman na maghaharap ng apela ang kampo ni Gongdi upang muling ikatwiran na hindi na malusog at nag-uulyanin ang dating pangulo. Maaaring hindi na ito mangyari kung tatanggalin na siya ni Misfit Sara bilang punong abogado.
Ikalawa, nagpasya ang ICC na payagan ang mga pamilya ng biktima ng EJK na humarap sa ICC kasama ang kanilang mga abogadong tagapayo. Ayaw ito ni Misfit Sara na mangyari sapagkat ang mga kaanak ang magpapatunay sa madugo pero palpak ng digmaan kontra droga ni Gongdi noong siya ang pangulo.
Alam ni Misfit Sara na hindi na nila makokontrol ang takbo ng paglilitis ng ICC at sasambulat sa kanilang mga mukha ang krimen ni Gongdi. Patunayan sa buong mundo ng mga pamilya ng mga biktima ng malawakang patayan na pinatay na parang manok ang kanilang kaanak. Hindi nangibabaw ang batas sa giyera kontra droga ni Gongdi.
Ito ang pasya ng ICC na nagpapakita na pangunahing hangarin ng paglilitis ng ICC na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng giyera kontra droga ni Gongdi. Hindi na mananatili sa tabi ang mga pamilya. Sila ang papagitna upang ilahad sa hukuman at buong mundo ang katampalasan ni Gongdi at mga kasapakat upang puksain ang kapuwa Filipino.
Hindi kumpleto ang katarungan kung wala ang tinig ng mga pamilya ng mga pinuksa noong panahon ni Gongdi sa panguluhan. Ito ang labis na kinatatakutan ni Misfit Sara.
Samantala, matindi ang implikasyon ng confirmation of charges hearing sa Pebrero 23. Ito ang paraan ng ICC upang malaman kung may sapat na ebidensya ang prosekusyon upang ituloy ang paglilitis. Walang ganitong proseso sa hukuman ng Filipinas. Maihahambing ito sa arraignment sa ating husgado.
Kung magtatagumpay, ito ang paraan ng ICC upang magkaroon ng totohanan at malawakang paglilitis si Gongdi na sangkot ang magkabilang panig ng taga-usig at tagapagtanggol. Maaaring tumagal ng ilang buwan, o taon, ang paglilitis. Tanging sa paglilitis malalaman kung hanggang saan ang lawak ng giyera kontra droga ni Gongdi.
Ito ang paraan ng ICC upang ipakita sa buong mundo na may malinaw na gumaganang sistema para sa pandaigdigang katarungan. Mayroon isang international criminal justice system na tagumpay na hinahabol ang mga nagkasala sa kanilang mga mamamayan. Hindi itong kayang kontrolin ng mga Duterte at sampu ng kanyang alipures.