Advertisers
SINAMPAHAN na ng kasong ‘robbery’ ang anim na pulis na inaresto kaugnay ng magkakasunod na insidente ng panghohold-up sa Makati noong Enero 24 at 28.
Bukod sa naunang tatlong complainants sa Makati, lumalabas na may mga nabiktima rin ang mga suspek sa kalapit na lungsod ng Pasay.
Habang isinasagawa ang inquest proceedings laban sa mga suspek sa Makati Police Station noong Enero 30, isang 49-anyos na babae mula Pasay ang lumutang at nagsabing biktima rin siya ng naturang mga pulis, ngunit noong Setyembre 1 ng nakaraang taon pa umano nangyari ang insidente.
“Nasa kanto po ako ng M Dela Cruz noon, tapos po may isang lalaki na kinaladkad ako, papunta motor nila, hinuli po ako. Tinawagan nila yung anak ko. Tapos po, nanghingi ng P50K. Tapos po, yung mga alahas ko po, kinuha nila. Kung hindi daw po magbibigay yung anak ko ng P50K, ikukulong nila po… Opo, sabi nila pulis sila, huwag na daw po akong aalma at mag-hysterical, huwag na daw akong maglaban,” kwento ni Rosalie.
Ipinakita rin ni Rosalie ang mga palitan ng text messages sa pagitan ng kanyang anak at ng isa sa mga suspek.
Tinangka pa umanong tumawad ng anak niya na P40,000 na lamang ang ibigay, ngunit tumanggi ang suspek at iginiit ang halagang P50,000.
“Natakot na po yung mga anak ko noon. Kaya agad-agad nangutang yung mga anak ko nung gabing yun sa mga kamag-anak namin,” wika nito.
Matapos maipadala ng anak ni Rosalie ang inutang na P50,000 sa e-wallet ng isa sa mga suspek, umalis na raw ang mga ito ngunit tinangay rin ang kanyang mga hikaw, kuwintas at apat na singsing.
Dahil mismong mga pulis ang nagnakaw sa kanila, natakot na ang pamilya ni Rosalie na magsumbong sa pulisya.
Dagdag pa ni Rosalie, nabiktima rin ng mga suspek ang kanilang kapitbahay na hiningan ng halagang P65,000.
Sinimulan narin ng PNP Internal Affairs Service ang paghahain ng kasong administratibo na maaaring humantong sa pagkakatanggal sa serbisyo ng mga sangkot na pulis.