Advertisers

Advertisers

Tama si Chiz sa kanyang naging paninindigan noon sa isyu ng impeachment laban kay VP Sara

0 71

Advertisers

Matagal nang ipinapahayag ni Sen. Chiz Escudero na hindi maaaring i-shortcut ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Kahit pa ituring ito ng ilan bilang isang pulitikal na proseso, kailangan pa ring sundin ang mga itinatakda ng ating Saligang Batas. Ito mismo ang prinsipyong kamakailan ay kinumpirma ng Korte Suprema, na sa impeachment laban kanino man, ang Konstitusyon ang nagsisilbing referee sa gitna ng ingay at banggaan ng mga puwersang pulitikal.

Binigyang-diin ng Kataas-taasang Hukuman sa kanilang desisyon ang kahalagahan ng tamang proseso sa impeachment proceedings. Hindi sapat ang dami ng pirma o ang tinatawag ng ilan na momentum. May mga tuntunin na kailangang sundin, kabilang ang session-day rules, referral requirements, at ang one-year bar. Tama rin dito si Escudero, na matagal nang nagsasabing ang impeachment ay hindi dapat nagiging political impulse at pressure tactic.

Kapag may naunang impeachment na itinuturing na initiated ayon sa ating Konstitusyon, ipinagbabawal ang paghahain ng panibagong impeachment sa loob ng isang taon. Hindi ito imbento ng mga mambabatas kundi tuwirang nakasaad sa Saligang Batas. Ito rin ang paulit-ulit na binigyang-diin ni Escudero noong kasagsagan ng pagsusulong ng House leadership, sa pamumuno ni dating Speaker Martin Romualdez, na ma-impeach si VP Sara.

Nilinaw rin ng Korte Suprema na kahit sa paggamit ng 1/3 signature route, nananatiling may bisa ang Rules on Impeachment. Ibig sabihin, hindi sapat ang numero upang balewalain ang proseso. Kailangang sundin ng Kamara ang sarili nitong mga patakaran at hindi maaaring bara-bara ang hakbang.

Higit sa lahat, may due process kahit sa impeachment. Hindi ito mob rule at hindi rin ito trial by publicity. May pamantayan ng fairness, reasonableness, at non-arbitrariness. Kahit pa batikusin si Escudero ng ilang grupong kontra sa Bise Presidente, nanindigan siya na ang impeachment ay isang legal na proseso bago pa ito maging pulitikal.

Nakakapagtaka ang patuloy na pagbansag ng ilan sa proseso bilang simpleng technicality. Ang proseso ang mismong proteksyon laban sa abuso. Ito ang check and balance sa kapangyarihan ng Kamara. At sa huli, ang matagal nang sinasabi ni Escudero ay siya ring pinagtibay ng Korte Suprema.