Advertisers

Advertisers

Kamara bukas sa bagong impeachment complaints vs VP Sara simula Peb. 6

0 16

Advertisers

INANUNSYO ng House of Representatives na handa itong tumanggap at dinggin ang mga bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte simula Pebrero 6, 2026, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon noong Sabado, Enero 31.

Pahayag ito ni Ridon kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa pagiging labag sa Konstitusyon ng mga naunang articles of impeachment laban sa bise presidente dahil sa paglabag sa one-year bar rule.

“Iginagalang po namin ang desisyon ng Korte Suprema. Ngunit malinaw na pagdating ng Pebrero 6, bukas na ang Kongreso na tumanggap at magproseso ng anumang bagong reklamo laban kay VP Sara Duterte,” ani Ridon sa Saturday News Forum.



Ipinaliwanag ng SC na ang ikaapat na impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay ipinagbabawal sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng 1987 Constitution, na nagsasaad na hindi maaaring maharap sa higit sa isang impeachment proceeding ang isang opisyal sa loob ng isang taon.

Ang unang tatlong reklamo ay inihain noong Disyembre 2024 ng mga pribadong complainant na inendorso ng ilang mambabatas, habang ang ikaapat ay isinulong sa pamamagitan ng resolusyon na sinuportahan ng 215 House members.



Ayon kay Ridon, nilinaw rin ng desisyon ng Korte Suprema ang proseso ng impeachment sa pamamagitan ng pag-alis sa mas mahigpit na due process requirements na itinakda sa mga naunang ruling, kabilang ang obligasyong magpadala ng advance notice at ebidensya sa impeachable official sa yugto ng paghahain.

Sa ilalim ng bagong patakaran, ang responsibilidad na tiyaking may access sa draft complaint at mga kalakip na ebidensya ay nakapaloob na sa mga mambabatas na sasali sa proseso, partikular sa tinatawag na express route.



“Ang mahalaga ngayon, lahat ng House members na lalahok—mula sa paghahain hanggang sa deliberasyon—ay may kopya ng impeachment complaint at ng mga ebidensyang kalakip nito,” paliwanag ni Ridon.