Advertisers
Nagpapakiramdaman ang mga senador sa tamang tindig sa usaping nasa kanilang harapan, ang pagsulong sa pagbabago sa liderato. Hindi natinag ang kasalukuyang liderato subalit may kaba kung mapapanatili ang pagiging pangulo ng kapulungan dahil sa kakaibang kilos ng ilang kasama. Malalim ang dahilan sa pagbabagong ibig ng kapulungan, na nakatali sa interes ng mga sangkot sa usapin ng liderato. At silip, ang galawang naganap sa kapit-bahay na nagpasyang ibasura ang inihaing pagpapasipa kay Jun Singhot. Sa pagbasura sa usapin ng pagpapasipa kay Jun Singhot, tila nagdalawang isip ang ilan sa bugok na kapulungan at piniling bumawi at ‘di lumaban sa isyung ibinasura ng malawak na kapulungan.
Sa totoo lang, ang politika ang tunay na zarzuela na ‘di mababatas kung ano ang magaganap sa bawat hakbang ng mga kapulungan. Ang masisiguro ni Mang Juan, hindi para sa kanyang kabutihan o sa mamamayan ang nakasalang na mga usapin. Sa halip pansariling layon ng mga hangal este ng mga halal ang mahalaga at may sala. Sa zarzuela sa senado, pansin ang pabirong pahayag ng isang senador ng tinawag ng “madam president” ang nasa harapan at ang ibig pumalit kay TitoSen. Malaman ang biro ni Sen. Arnis ngunit walang pagkilos na naganap na palitan sa liderato ng banggit na kapulungan. Subalit at inaabangan ang susunod na kabanata sa muling pagkikita sa Lunes (Feb.9) ng mga senador, higit sa pagdating ng ilang kaalyado ng nanay ni Solar Boy. At masasabing ‘di pa tapos ang laban at malalaman sa pagbabalik kung magaganap ang pagpapalit ng liderato.
Sa totoo lang, mahaba ang laban sa pagitan ng mga senador na magtatali sa ilan na magbago ng tindig ayon sa sariling kaayusan. Walang pagdududa na ‘di lilihis ang ilang napangalanang senador na sabit sa isiniwalat na anomalya sa “flood control”. Ang tanging dahilan na magaganap ang paglihis ng tindig sa nakakarami ay ang tuluyang masampahan ng kaso o malabasan ng “warrant of arrest” sa susunod na mga araw. Ang ‘di masigurong tindig sa palitan ng liderato sa senado ng mga senador na may bahid ng “flood control project” ang maglalagay sa kanila sa alanganin. Maramdamin ang taong sinusubok at ang dahilan upang ibigay ang nararapat sa taong sumusubok higit karangalan ang nakataya. Tama ba TitoSen.? At masasabing dahilan na nagdedelikado ang sumusubok sa galawang mapalitan ang kasalukuyang liderato na silip na may ayuda ng tao sa Balite ng Malacanan.
Mahalaga ang unang bahagi ng taon sa ngalan ng halalan sa ’28, kung itatali sa nagaganap sa mga kapulungan ng lehislatura. Naninimbang ang mga kinatawan sa kumpas ng kung sinong pilato na dapat isulong o gawin ng mga kinatawang bayan para kay Mang Juan o sa sarili. Ang ‘di pag-usad ng usapin ni Jun Singhot sa malawak na kapulungan at ang ‘di naganap na palitan sa senado’y ganap na may kumpas na sinusunod. Sa pagkakataong ‘di makuha sa unang bahagi ng kasalukuyang taon ang ibig, malinaw ang larawan na magiging mahigpit ang laban sa halalan at nakakalamang o nakakaungos ang pambato ng kaTimugan sa dahilan sa ‘di bumababa ang pag-ayon ng nakakarami kunong kababayan. Sa pagkakataon na makatakbo ang pambato ng mangmang ng kaTimugan, maghanda ang mga katunggali at kayo ang tatakbo palabas ng bansa sa dahilan ng paghihiganti ng nanay ni Mary Grace Piattos.
Lumuwag ang pagbuntong hininga ni TitoSen, at tila hinihintay ang pag-usad ng usapin ng pangalawang pagpapasipa kay Inday Salakay. Ang mabilis na pag-usad ng pagpapasipa sa abalang pangulo ang nasisilip na barometro na ‘di mapapalitan ang kasalukuyang liderato ng bugok na kapulungan. At sa pagkakataong magtatagal ang usapin sa malawak na kapulungan, nasisilip na may negosyong magaganap na nakatali sa halalan, higit ang may mga sala sa bayan. Subalit, mananatili ang layon na masipa ang kinatatakutang si Inday Salakay ng matiyak na walang aberya sa kinabukasan ang mga babang liderato.
Ang mahusay na pagdadala ng kumukumpas sa mga kabahayan ng lehislatura ang magdadala sa halalan sa ’28. Ang kaayusan sa liderato ng mga kabahayan higit sa senado ang kaabang- abang sa dahilan ng pagpapasipa sa silip na katungali sa ’28. Ang pagkalap ng mga kakampi higit sa usapin ng liderato’y nakatali sa tindig ng pagpapasipa na ihahain sa susunod na mga araw. Asahan na laban o bawi ang magiging tindig ng mga tatayong hukom higit naka salang ang mga kinabukasan ng didinig na may sariling usapin na didinggin base sa usaping pandarambong. Ang magmalinis ang tindig na inaasahan sa mga kasalukuyan, nangangambang senador na tila tutuluyan sa nagaganap sa kasalukuyan. Silip ang ‘di mapintang mukha ni Mang Jose ng senado na ‘di nagpaunlak sa tanong ng isang mamamahayag.
Sa totoo lang, ang humarap sa katotohanan ang pinaka mabuting galawan higit batid na walang sala sa pagtupad sa mga gawaing inatang ng bayan. Hindi tinatalikuran ang serbisyong bayan kung walang salang gawa, ang mga buktot ang takot sa katotohanan. Sa mga opisyal ng bayan, halal o naitalaga, huwag gawing sangkalan ang pwestong tangan na bigay ng tao sa laylayan. Ang usapin sa sarili’y tiyak na malalagpasan kung ang sala’y gawa gawa lamang ng iilang katungali, higit sa paniniwala. Ang tumindig sa katotohanan ang magpapatibay sa tindig at aayunan ng bayan at ‘di bibigay sa panunuwag ng nasa kapangyarihan. Subalit, ang salang gawa’y ‘di tanggap ng bayan na naduhagi sa proyektong pinagkaperahan ng iilan.
Hindi pa tapos ang laban sa senado na maaring may dagling lalaban o babawi depende sa kumpas ng tao sa puno ng Balite ng Malacanan.
Maraming Salamat po!!!!