Advertisers
Sinimulan na ng Intramuros Administration (IA) ang mga hakbang upang tuluyang wakasan ang kontrata nito sa JSL Security Agency nang maaresto ang dalawang security guard na sangkot sa pananakit ng isang menor de edad sa kahabaan ng Pasig River Esplanade sa Intramuros.
Kasunod ito ng utos ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente, at binigyang-diin na walang kapangyarihan ang mga pribadong guwardiya na magpatupad ng kaayusan sa mga lansangan at pampublikong lugar, na saklaw ng Philippine National Police (PNP).
“Amin nang isinasagawa ang pagwawakas ng kontrata ng security agency,” pahayag ni IA Administrator Atty. Joan Padilla.
Naganap ang insidente 9:05 ng gabi noong Linggo, Pebrero 8, at nagdulot ng pisikal na pinsala sa 17-anyos na biktima, batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya.
Inaresto ang dalawang guwardiya ng mga rumespondeng tauhan mula sa Tourist Police at Intramuros Police Community Precinct, at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sa isinagawang city government directional meeting noong Lunes, Pebrero 9, mariing sinabi ni Domagoso:
“Gusto ko ng full-scale investigation sa pang-aabuso ng mga guwardiyang iyan. Uulitin ko: ang trabaho ng guwardiya ay magbantay ng ari-arian; hindi sila nagpupulis sa lansangan. Hindi sila pinapayagan.”
“Kahit sa pagkuha nila ng lisensya sa PNP, malinaw na hindi sila awtorisadong magpolisiya sa kalsada. Ang mga lansangan, eskinita, boulevard at iba pang pampublikong lugar ay saklaw ng PNP pagdating sa peace and order. Iyan ang direktiba. Hindi natin puwedeng pahintulutan ang ganitong gawain ng mga guwardiya. Kapag hindi ito pinarusahan at inaksiyunan, mauuwi ito sa kaguluhan sa ating mga lansangan,” giit ng alkalde. (BP)