Advertisers
Matagumpay na napigilan ng pinagsamang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpuslit ng tinatayang P278 milyon halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa Manila International Container Port (MICP).
Dumating ang kargamento, na idineklarang “marble” sa MICP noong 31 Disyembre 2025. Walang deklarasyon ng kargamento na naisumite sa loob ng itinakdang 15 araw, kaya’t idineklarang abandonado ang kargamento alinsunod sa mga patakaran ng customs.
Bago pa man ideklara ang abandonment, isinailalim na ang container sa non-intrusive inspection, K9 sniffing, at physical examination bilang bahagi ng standard na operasyon.
Noong 8 Enero 2026, natukoy sa X-ray scanning ang mga kahina-hinalang imahe sa itaas na bahagi ng container. Pinatunayan ito ng K9 operation, kung saan positibong indikasyon ang ipinakita ng narcotics detection dog para sa presensiya ng mapanganib na droga, na lalong nagpapatibay sa intelligence ng PDEA.
Noong 4 Pebrero 2026, naglabas ng Pre-Lodgement Control Order (PLCO) upang maisagawa ang 100 porsyentong pisikal na pagsusuri, na isinagawa noong 9 Pebrero 2026. Sa pagsusuri, natuklasan ang puting pulbos na substansiya sa loob ng container, na kinumpirma ng PDEA bilang Methamphetamine Hydrochloride o “shabu.”
Sa kasalukuyang retrieval, nakarekober ang mga awtoridad ng 131 piraso ng pinaghihinalaang mapanganib na droga na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 41 kilo. Ang tinatayang halaga ng nasamsam na droga ay P278 milyon, na tinatayang P6.8 milyon kada kilo.
Muling pinagtibay ng parehong ahensya ang kanilang pangako sa pagpapalakas ng intelligence sharing at magkasamang pagpapatupad ng batas upang masiguro ang seguridad ng mga hangganan ng bansa at protektahan ang mga komunidad. (Jocelyn Domenden)