Advertisers

Advertisers

SALOT NA SUGAL SA ORIENTAL MINDORO: “PATI ALLOWANCE NG MGA BATA, KINUKUHA NILA”

0 18

Advertisers

ISANG ginang ang umapela ngayon kay PNP Chief, General Jose Melencio Nartatez at DILG Secretary Jonvic Remulla na magkaroon sila ng ngipin sa paglaban sa mga salot na sugal na sumisira sa kaisipan ng mga kabataan at pamilya na lulong sa sugal.

Aniya dapat pagbutihin nina Nartatez at Remulla ang kanilang trabaho sa PAGSUGPO sa mga salot na sugal na talamak sa buong Oriental Mindoro.

Ayon sa kwento ng ginang na itago natin sa pangalang Cristy gabi-gabi umanong pinagpipiyestahan ang mga lantad na sugal na “pulat puti, color games at drop ball baraha” na ang front ay PERYAHAN na inabot umano ng madaling araw ang ‘gqmbling operation’. Lulong na rin umano sa sugal ang kanyang asawa na nagresulta sa pagkawasak ng kanilang pamilya.

Ikinuwento rin ng ginang na nalaman niya ang pagkalulong sa sugal ng kanyang mister may anim na taon na ang nakalipas.

Sinabi rin niya na kaya namamayagpag ang sugal sa mga bayan ng Bulalacao, Bongabong, Mansalay, Roxas, Pola, Pinamalayan, Gloria, Socorro, Bansud, Naujan, Victoria, San Teodoro, Baco, Puerto Galera, at Calapan dahil sa proteksyon umano na ipinagkaloob ng ilang tiwaling LGUs at mga matataas na opisyal ng kapulisan.

***

Matatandaan na NAPATAY ang broadcast journalist na si Crisenciano “Cris” Bunduquin dahil sa pagtuligsa at pagbatikos nito sa ilegal na sugal sa Oriental Mindoro at sa mga protektor na Police Officials na hanggang ngayon ay unsolved ang kaso, hindi pa nadadakip ang pumatay at “mastermind” sa radio broadcaster na si Bunduquin sa Calapan City, Oriental Mindoro..

Mabagal ang pulisya sa pagtugis sa killer.
Sinabi noon ng dating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez, na tinututukan nila ang kaso at mayroon na silang sinusubaybayang mga personalidad kaugnay sa pagpaslang kay Bunduquin.

Ayon kay Gutierrez, isa umanong police major at kasamahan nito na operator ng peryahan ang tinuturong ‘‘utak’’ sa pagpatay. Bukod sa dalawang persons of interest, tatlo pang personalidad ang pinagsususpetsahang sangkot sa murder ng broadcaster.

Ang pagkakadawit ng police major sa kasong ito ang maaaring dahilan kaya hindi umusad ang imbestigasyon.

Iimbestigahan kaya ng mga pulis ang kapwa nila pulis lalo pa’t mataas ang ranggo nito. Ito marahil ang dahilan kaya mabagal ang pag-aresto sa suspek na si Isabelo Bautista, 45. Si Bautista na umano’y taga-Bansud, Oriental Mindoro ay hindi pa naaaresto hanggang ngayon.

Naganap ang pagpatay kay Bunduquin noong Mayo 31, 2023 ganap na 4:30 ng madaling araw. Binubuksan ni Bunduquin ang kanyang grocery store sa Bgy. Lalud, Calapan City nang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang dumating. Bumaba ang angkas at binaril si Bunduquin at saka sila tumakas.

Hinabol sila ng anak ni Bunduquin gamit ang kotse. Nang abutan, binundol nito ang motorsiklo at tumilapon ang drayber at namatay noon din makaraang humampas sa railings. Tumakas ang angkas na nakilalang si Bautista.

Ayon sa report, nakalabas na ng Oriental Mindoro si Bautista. Ipinakalat na ang kanyang mga larawan upang mahuli. Kung nakalabas na sa probinsiya ang sinasabing gunman, nagpapakita lamang ito na mabagal nga ang pulisya. Dahil kapwa pulis nila ang sangkot sa kaso?

Napatay din noon sa Calapan ang radio broadcaster na si Vergil Bico dahil sa pagbatikos nito sa ilegal na sugal sa nasabing probinsya. Hanggang ngayon hindi pa nabibigyan ng hustisya.

Habang patuloy na pinoproteksyon ng mga otoridad ang mga salot na sugal sa perya dadami ang magiging biktima ng kahirapan, bisyo at kriminalidad.

Kung totoong may malasakit sa bayan sina PRO4B Regional Director PBGen Jovencio Badua at Oriental.Mindoro Provincial Director PCol Edison Revita, panahon na para ipakita nila na hindi sila kasabwat sa katahimikan.

Garapal at hayagan din ang pagpapataya ng mga kubrador ng jueteng na may dalawanh bola sa isang araw, tanghalibat gabi.

***

Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email: balyador69@gmail.com