Advertisers

Advertisers

ISKO NANGAKO: ISANG TAON, TAPOS ANG MAGSAYSAY HS

0 23

Advertisers

Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Martes, Pebrero 10, ang muling pagsisimula ng konstruksyon ng 10-palapag at fully air-conditioned na gusali ng Ramon Magsaysay High School sa kahabaan ng España Boulevard sa Sampaloc, at nangakong matatapos ito sa loob ng isang taon matapos ang matagal na pagkaantala ng proyekto.

“Sa susunod na taon, sa parehong araw at oras, ating i-iinagurahan ang Magsaysay High School,” pahayag ni Mayor Moreno.



Ayon sa alkalde, layunin ng muling pagpapatuloy ng proyekto na maibalik ang katiyakan matapos ang ilang taong pagkaantala na nagdulot ng pangamba at pag-aalinlangan sa mga magulang, guro, at mag-aaral kung kailan matatapos ang gusali.

Tiniyak ni Moreno na sisiguruhin ng lungsod na tuloy-tuloy ang konstruksyon at hindi na muling maaantala, upang makabalik ang mga estudyante sa isang ganap at maayos na campus environment.



“Ang seremonyang ito ay para sindihan muli ang apoy,” ani Moreno. “Sisiguraduhin ko, sa pamamagitan ng ating mga inhinyero, arkitekto, construction workers, barangay officials, pati sa mga magulang at guro: kapag hindi ito natapos sa loob ng isang taon, soli-pera.”

Binigyang-diin din ng alkalde na kapag natapos ang gusali, hindi na malalagay sa panganib o kaguluhan ang mga estudyante dahil sa ongoing construction.



“Sa pagdating ninyo rito, notebook na lang ang dala ninyo. Wala nang galawan, wala nang gulo. Uupo na lang kayo sa isang maayos at de-kalidad na pampublikong silid-aralan,” ani Moreno.

Muling iginiit ni Domagoso na ang proyekto ay bahagi ng kanyang pangakong binitiwan noong panahon ng kampanya, at inangkop ng lungsod ang pondo nito upang matupad ang naturang pangako.

“Sa aking munting paraan, gagalawin ko ang langit at lupa upang tuparin ang aking pangako,” aniya.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang pagpapatayo ng mga paaralan ay dapat planuhin hindi lamang para sa kasalukuyang pangangailangan kundi para rin sa paglaki ng populasyon sa susunod na mga taon upang maiwasan ang paulit-ulit na kakulangan sa silid-aralan.

“Kapag inaayos natin ang tinatanggap na student-teacher ratio, hindi ito para sa ngayon lamang; dapat itong nakaplano para sa sampung taon mula ngayon,” dagdag niya.

Ayon pa kay Moreno, sinadya ng kanyang administrasyon na ituon ang pondo sa mahahalagang serbisyo sa halip na sa mga proyektong panlabas lamang ang ganda.

“Hindi na ‘yung mga palamuti, halamanin, bulaklakin, pakislap,” ani niya. “Ang puhunan natin ay ang MBN: Minimum Basic Needs—edukasyon, kalusugan, pabahay, at trabaho. Ito ang apat na haligi ng ating pamamahala.”(BP)