Advertisers

Advertisers

Libreng Gamutan sa Kanser para sa Mahihirap, Itinutulak ni Senadora Camille Villar

0 14

Advertisers

Bilang paggunita sa World Cancer Day, muling iginiit ni Senator Camille Villar ang kanyang adbokasiya para sa makatarungan at preventive na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng ?10-bilyong Cancer Medicine and Treatment Assistance Fund para sa mga mahihirap at kapos-palad na pasyenteng may kanser, na ipatutupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Layunin ng panukalang batas na maisabatas ang isang pambansang programa na magbibigay ng libreng gamot at paggamot laban sa kanser sa pamamagitan ng mga PhilHealth-accredited na pampublikong ospital sa bawat lalawigan, katuwang ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG). Sama-samang tutukuyin ng mga ahensiyang ito ang mga benepisyaryo upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga higit na nangangailangan.

“Ito ay panukalang batas para sa pagsagip ng buhay. Kailangang maging abot-kaya at accessible ang dekalidad na gamutan laban sa kanser para sa bawat Pilipino,” diin ni Villar, ang pinakabatang senador ng ika-20 kongreso.

Binigyang-diin ng senador na nananatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa ang kanser at patuloy itong nagdudulot ng matinding pasaning pinansyal sa mga pamilyang Pilipino. “Ang isang sesyon ng chemotherapy ay maaaring umabot sa ?100,000. Walang Pilipinong dapat pagkaitan ng gamutan o itulak sa kahirapan dahil lamang sa kanser,” aniya.

Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang nakalaang Cancer Fund, layon ng panukala na isulong ang maagang pagtuklas at agarang gamutan, maiwasan ang pagkaantala ng paggamot dahil sa kakulangan sa pera, at patatagin ang pangako ng bansa sa universal health access. Isinasakatuparan din nito ang konstitusyonal na tungkulin ng Estado na magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap at tiyaking naaabot ng lahat ang mga serbisyong nagliligtas ng buhay.

Ang World Cancer Day, na pinangungunahan ng Union for International Cancer Control (UICC), ay naglalayong magpalawak ng kamalayan at magpalakas ng pagkilos laban sa kanser sa pamamagitan ng pag-iwas, maagang pagtuklas, at paggamot. Ang tema ng kampanya ngayong 2026 na “United by Unique” ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng people-centered at inklusibong pangangalaga sa kanser—mga prinsipyong malinaw na isinasabuhay sa panukalang batas ni Senator Villar.

Ayon kay Villar, pinatutunayan ng panukalang ito na nanatiling pangunahing prayoridad sa kanyang lehislatibong adyenda ang kalusugan, partikular ang suporta, pag-iwas sa sakit, at patas na access sa mahahalagang serbisyong medikal. Dagdag pa niya, kamakailan ay naghain din siya ng iba pang mga panukalang batas na nakatuon sa preventive healthcare at pinalawak na suportang medikal, bilang bahagi ng tuluy-tuloy na pagsisikap na palakasin ang sistemang pangkalusugan ng bansa at pangalagaan ang mga pinaka-nangangailangang sektor ng lipunan.