Advertisers

Advertisers

URBAN FARMING TECH NG SINGAPORE, DADALHIN NI ISKO SA MAYNILA

0 25

Advertisers

Umaasa si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na maipatutupad sa Maynila ang urban farming technology ng Singapore sa pakikipagtulungan ng Bureau of Plant Industry (BPI), bilang bahagi ng pagpapalakas ng food sufficiency sa lungsod.

Sa kanyang talumpati sa ika-96 anibersaryo ng BPI noong Pebrero 11, sinabi ni Domagoso na layunin ng lungsod na pag-aralan at iakma ang makabagong teknolohiya ng Singapore sa pagtatanim at produksyon ng pagkain, lalo na sa mga lugar na may limitadong espasyo.



Ipinaliwanag ng alkalde na pinili niya ang Singapore bilang modelo dahil maliit ito nguni’t highly urbanized at maunlad na bansa na nakapagtatag ng teknolohiya-driven na agrikultura.

“Pinili ko ang Singapore dahil maliit ito, highly urbanized at fully developed, pero nakakagawa sila ng sarili nilang produksyon ng pagkain. Kung kaya nila, kaya rin natin,” ani Domagoso.



Ayon sa alkalde, nagsagawa na sila ng technical visits ngayong taon upang pag-aralan kung paano maisasakatuparan sa Maynila ang smart agriculture systems, partikular ang food production sa loob ng urban setting.

Kabilang sa binisitang pasilidad nina Domagoso at ng mga opisyal ng BPI ang Horticulture Technology Hub ng Institute of Technical Education (ITE) College East, Republic Polytechnic, at National University of Singapore (NUS), kung saan pinag-aralan ang indoor farming, automation, data analytics, at resource-efficient growing systems.



“Sa tulong ni Director Glenn at ng BPI team at ng inyong city government, binisita namin ang ITE, Republic Polytechnic, NUS at maging ang private sector para pag-aralan ang food production sa highly urbanized setting,” ani ng alkalde.

Sinabi ni Domagoso na kasalukuyan nang binubuo ng lungsod ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang makapagsimula ng pilot urban food production initiatives.

Layunin aniya na makabuo ng balangkas o framework na magsisilbing gabay ng mga susunod na lider ng lungsod sa pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain.

Binigyang-diin din ng alkalde na isang banta ang food insecurity sa pambansang seguridad, lalo’t patuloy ang paglaki ng populasyon habang lumiliit ang lupang maaaring pagtamnan.

“Banta sa national security ang kakulangan sa pagkain. Habang lumalaki ang populasyon at lumiit ang espasyo, paliit nang paliit ang lupang maaaring gamitin sa produksyon ng pagkain,” wika ni Isko

Ayon pa kay Domagoso, mahalaga ang papel ng BPI at ng mga siyentista at espesyalista ng Department of Agriculture sa pagbuo ng praktikal at siyentipikong solusyon para sa urban agriculture, lalo na sa epektibong paggamit ng limitadong espasyo.

Dagdag pa niya, kaakibat ito ng papel ng Maynila bilang sentro ng distribusyon ng produktong agrikultural, gaya noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung kailan pinayagan ng lungsod ang mga magsasaka at negosyante mula sa Luzon na makapagbenta ng kanilang ani sa kabila ng mga lockdown sa ibang lugar.

Sa pagpapatuloy ng food security agenda ng lungsod, tiniyak ni Domagoso na makikipagtulungan ang Maynila sa BPI at iba pang ahensya upang masiguro ang pagpapatuloy ng programa kahit matapos ang kanyang termino.

“Ito pa lamang ang simula ng mahabang paglalakbay ng city government at BPI, upang ang mga susunod sa atin ay may malinaw nang gabay kung paano masisiguro ang food security sa Lungsod ng Maynila,” ani ng alkalde. (BP)