Advertisers

Advertisers

ISKO, INILUNSAD BAGONG 10-TAONG PLANO KONTRA BASURA

0 31

Advertisers

Inilunsad ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang in-update na 10-Year Solid Waste Management Plan ng lungsod, na naglalatag ng pangmatagalang estratehiya na nakatuon sa pagbawas ng basura at maayos na paghihiwalay nito mula pa lamang sa pinanggagalingan upang matugunan ang lumalalang suliranin sa basura sa kabisera nitong Lunes, Pebrero 16.

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, binigyang-diin ni Domagoso na pangunahing responsibilidad ang pagpapanatili ng kalinisan ng lokal na pamahalaan, saan man nagmula ang basura.



Pinasalamatan din ng alkalde ang Department of Environmental and Public Services (DEPS) at ang mga yunit nito sa field, kabilang ang Estero Rangers at Manila Bay cleaning teams, na araw-araw na inaatasang mangolekta ng mga lumulutang na basura sa mga estero at baybaying-dagat.

“Salamat sa Diyos. Hopefully, mapagtagumpayan natin together, all of us here in the City Government of Manila, ang maaliwalas at panatag na pamumuhay. That’s the very least that we can give to our people,” ani ng alkalde.



“Pero sa huli, kung saan man ito nanggaling, ang pinakamahalaga, gawin natin ang ating trabaho bilang pamahalaang lungsod. Tungkulin nating tuparin ang obligasyon natin sa taumbayan. Kasi wala namang pangalan o address ang basura. Ang naiintindihan ng tao, may basura sa atin,” dagdag pa ni Isko.

Ayon kay DEPS Director Kenneth Amurao, nakasentro ang updated plan sa mga kongkretong programa upang mabawasan ang kabuuang dami ng nalilikhang basura at malimitahan ang dinadala sa landfill.



“Ang updated o bagong 10-year solid waste management plan ay naka-focus sa ating mga plano at programa para sa solid waste. Waste reduction ang pangunahing layunin sa pamamagitan ng segregation from source, sa mga bahay o opisina pa lang, paghihiwalay na ng nabubulok at di-nabubulok,” paliwanag ni Amurao.

Sinabi rin niya na pinapalakas ng lungsod ang waste diversion initiatives sa pamamagitan ng pagpapalawak ng composting operations sa mga city-operated materials recovery facilities (MRFs) at pakikipag-ugnayan sa mga pribadong kumpanya para sa koleksyon ng recyclables.

Binigyang-diin din ni Amurao ang pagtaas ng per capita waste generation bilang isang seryosong hamon, kung saan halos dumoble ang karaniwang arawang basura ng bawat tao mula 0.6 kilo hanggang halos 1 kilo.

“Imbes na lahat ng basura sa landfill mapunta, ngayon may maliliit na composting facilities na sa mga city-operated MRFs. Kasabay nito, may private partnerships tayo para sa recyclables. Iyan ang nilalaman ng updated 10-year plan,” aniya.

Dagdag pa ng DEPS director, maaaring i-update ang plano kada dalawang taon upang makasabay sa mga bagong teknolohiya at pagbabago sa polisiya, kabilang ang posibleng paggamit ng waste-to-energy systems sa hinaharap.

Dumating ang paglulunsad ng plano ilang buwan matapos ang permanenteng pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill noong Agosto 2025, na nagbunsod sa Maynila na ilipat ang pagtatapon ng basura sa New San Mateo Sanitary Landfill, na nagdulot ng mas mahabang biyahe at mas mataas na gastos sa hauling.

Dahil sa paglilipat sa bagong landfill, humaba rin ang turnaround time at pumila ang mga trak mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, na maaaring magpabagal sa koleksyon ng basura. (BP)