Advertisers
Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng P18 milyon para sa nasa 3,000 retiradong guro ng pampublikong paaralan sa lungsod bilang kabuuang bayad sa kanilang Old Age Sustenance Allowance (OASA) para sa buong taon ng 2025 nitong Lunes, Pebrero 16.
Saklaw ng payout ang buwan ng Enero hanggang Disyembre 2025 alinsunod sa Ordinansa Blg. 7977, na nagbibigay ng P500 kada buwan o P6,000 kada taon sa mga kwalipikadong retiradong guro na may edad 70 pataas.
Ayon sa alkalde, anim na buwang allowance lamang o tinatayang P9 milyon ang unang inirekomendang ipalabas sa kanya, ngunit kanyang inaprubahan ang pagbabayad para sa buong taon.
“Good things come to those who wait. Kaya January to December 2025 na mahuhulog! I already advised Atty. Paul Vega, our City Treasurer, to release ₱18 million for our more or less 3,000 retired teachers of Manila,” ani Domagoso.
Nilagdaan umano ng alkalde ang pagpapalabas ng pondo noong Biyernes, Pebrero 13, at inatasan ang City Treasurer’s Office na iproseso ang bayad, na nakatakdang ipamahagi mula Pebrero 16 hanggang 20.
“Last Friday, sabi ko kay Paul noong nag-uusap kami, sabi ko, ‘Araw ng mga Puso, iparamdam natin ang pagmamahal at utang na loob sa ating mga guro,’” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Domagoso na dahil sa patuloy na pagbuti ng pananalapi ng lungsod, nagagawang tugunan ng pamahalaang lungsod ang mga naunang obligasyon, kabilang ang mga pagkakautang bago pa man ang kanyang kasalukuyang termino.
“Sa awa ng Diyos at sa ating mga kawani ng pamahalaan at mga department, sa pagbubuti nila, unti-unti ho tayo at patuloy tayong nililingon ang mga nakaraang obligasyon. Bagamat kahit hindi ko pa ito panahon, but what matters most is that we will recognize previous obligations,” aniya.
Binalikan din ng alkalde na ang Ordinansa Blg. 7977 ay inilaan bilang pagkilala at pasasalamat sa mga gurong nag-alay ng kanilang serbisyo sa mga pampublikong paaralan ng Maynila.
“Isa pong ordinansa ito na nagbibigay ng konting tulong, pagkilala, at pagpapahalaga sa mga guro nating naglingkod sa Lungsod ng Maynila, sa ating mga paaralan.”
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal ng Manila Retired Teachers Association sa flag-raising ceremony sa City Hall, nagpahayag ng pasasalamat ang alkalde sa mga guro, at kinilala ang kanilang ambag sa paghubog ng iba’t ibang propesyunal tulad ng mga doktor, inhinyero, abogado, at IT professionals.
Si Domagoso, na inilarawan ang sarili bilang produkto ng pampublikong edukasyon sa Maynila, ay nagsabing ang pagbibigay-pugay sa mga retiradong guro ay patunay ng patuloy na pananagutan ng pamahalaang lungsod sa mga humubog sa mga henerasyon ng mga Batang Maynila.
“I’m pretty sure, and I’m sure about this, marami kayong na-produce na doktor, engineer, lawyer. Pati IT,” wika pa ni Isko. (BP)