Advertisers
MALAMANG na makasama uli ni ex-President Rody “Digong” Duterte ang kanyang mga dating galamay, pero hindi sa ginhawa kundi sa kulungan sa The Hague, Nethelands. Araguy!!!
Oo! Anumang araw ay posible maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga “utusan” noon ni Digong sa kanilang “pekeng war on drugs”, matapos ianunsyo ng international court ang mga co-perpetrator o salarin sa libu-libong biktima ng war on drugs sa nakaraang administrasyon.
Tapos sinabi pa ng Malakanyang na obligado ang Philippine govt. na ipatupad ang ICC warrant oras na naglabas ang huli ng kautusan para arestuhin ang mga salarin.
Ayon sa ICC, base sa mga nakalap nitong dokumento, kabilang sa co-perpetrators sa kaso ni Duterte na ‘Crimes Against Humanity – Murder Case – sina: ex-PNP Chief ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ex-Special Assistance to the President (SAP) ngayo’y Sen. Christopher “Bong” Go, ex-PNP Chief Vicente Danao Jr., ex-PNP Chief Camilo Cascolan, ex-PNP Chief Oscar Albayalde, ex-NBI Director Dante Gierran, ex-PDEA Director Isidro Lapeña, at ex-DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.
Si Bato ay may apat na buwan nang ‘di nagpapakita sa publiko, nagtatago, simula nang ianunsyo last year ni Ombudsman “Boying” Remulla na may kopya na siya ng ICC arrest warrant, na kinumpirma rin ng dating spokesman ni Digong na si Atty. Harry Roque.
Si Roque ay wanted din sa Pinas, nagtatago ngayon sa ibang bansa dahil sa kinakaharap na kasong ‘human trafficking’ at ‘fraud’ na may kaugnayan sa ni-raid na illegal POGO sa Pampanga.
Todo tanggi naman, siempre, sina Go at Aguirre. Wala raw silang kinalaman sa mga pagpatay sa ‘war on drugs’.
Pero sa mga pagdinig noon ng Kongreso, ibinunyag ng dating General Manager ng Philippine Charity Sweepsrtakes Office (PCSO) na si retired Colonel Royina Garma, ngayo’y “state witness” ng ICC, si Go ang nagbibigay ng reward sa bawat napapatay ng pulis na drug personalities.
Si Garma, ayon sa batikang mamamahayag na kaibigan ni Digong na si Mon Tulfo, ay dyowa ni Digong.
Si Go ang “susi” para makausap si Digong mula pa nung mayor ng Davao City hanggang sa maging pangulo ng bansa ang huli.
Si Aguirre, kaya naging co-perpetrator, dahil lahat ng kaso noon na may kaugnayan sa war on drugs, ay hindi iniintindi sa piskalya. Hawak kasi ng DoJ ang mga piskal.
Kaya naman napasama sa mga salarin sina Danao, Albayalde at Cascolan ay dahil nagpatuloy ang mga patayan noong matalaga silang Chief PNP.
Si Cascolan ay sumakabilang buhay na.
Ito naman sina Lapena at Gierran ay talagang malaki ang naging papel sa war on drugs. Itanggi man nila ng todo, talagang kabilang sila sa co-perpetrators. Karma is coming!