Advertisers

Advertisers

ISKO NANAWAGAN NG PAGKAKAISA, KAPAYAPAAN AT MAS MATIBAY NA UGNAYAN NG PH AT CHINA

0 11

Advertisers

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ng pagkakaisa, kapayapaan at mas matibay na ugnayan ng Pilipinas at China nang pangunahan niya ang countdown o pagsalubong sa Chinese New Year sa Binondo .

Sa kanyang talumpati sa mga Manileñong nagtipon sa pinakamatandang Chinatown sa mundo, mainit na tinanggap ng Alkalde ang mga panauhing dignitaryo kabilang si Jing Quan, Ambassador ng People’s Republic of China sa Pilipinas.

Pinasalamatan ni Mayor Isko ang malawak na palitan ng dalawang bansa partikular sa turismo at kalakalan.

“Ayon sa pamumuno ng ating bagong Ambassador, madaragdagan ang mga biyahe mula China patungong Cebu. Mas maraming flights, mas maraming turista, mas maraming trabaho at negosyo para sa bansa,” ani Domagoso, sabay-diin na makikinabang dito ang mga Pilipino, kabilang ang mga Manileño.

Binigyang-diin din ng Alkalde ang malalim na ugnayang pangkasaysayan at pangkultura ng Maynila at ng Filipino-Chinese community, at sinabing sa lungsod matatagpuan ang pinakamalaking konsentrasyon ng Filipino-Chinese sa bansa.

Kinilala rin niya ang mga lokal na samahang pangnegosyo sa Chinatown, kabilang ang Filipino-Chinese Chambers, sa patuloy na pagtataguyod ng taunang selebrasyon at pagpapalakas ng pagkakaisa.

Ipinaalala rin ni Domagoso sa kabataang Manileño ang pinagsasaluhang kasaysayan ng mga Pilipino at migranteng Tsino, kabilang ang pakikipaglaban ng Filipino-Chinese fighters noong digmaan at ang pamana ng mga naunang benefactor gaya ni Roman Ongpin.

Hinimok niya ang publiko na bisitahin ang Bahay Tsinoy sa Intramuros upang higit na makilala ang kanilang mga sakripisyo at ambag sa bansa.

Nanawagan din ang Alkalde ng paggalang sa isa’t isa sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan noon, at hinikayat ang mga Manileño na patuloy na magpakita ng mainit na pagtanggap sa lahat ng bumibisita sa lungsod, anuman ang lahi.

Tiniyak din niya sa mga lokal at dayuhang negosyante na bukas ang Maynila sa negosyo, kasabay ng pangakong poprotektahan ang mga ito laban sa pang-aabuso habang isinusulong ang patas na kalakalan.

“No harm will come to you as long as I’m Mayor. But in the same manner, I will not also allow abuse to one another. Just do business, strive, and there is a big market in this city,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ng Alkalde na mula Enero 1 hanggang Pebrero 13, 2026, tumaas ng 104 porsiyento ang bilang ng mga bagong rehistradong negosyo kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

“We grew by 104% of new businesses registered in the City of Manila. Dumoble,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang mga positibong resulta sa peace and order, kabilang ang 13 porsiyentong pagbaba ng krimen sa nakaraang quarter at mas pinahusay na crime-solving efficiency.

Tinapos ng Alkalde ang kanyang mensahe sa panalangin para sa kapayapaan at sama-samang pagsisikap sa muling pagbangon ng kabisera.

“Let there be peace in our home, in our family, in our community, in our city, in our country, and our neighboring countries,” dagdag pa ng Alkalde. (Jocelyn Domenden)