Advertisers
DIREKTANG binalaan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang 18 ‘dating’ Marines na posibleng managot sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kanilang mga ginawang rebelasyon.
Sa isang panayam, iginiit ni Trillanes na ang paglalantad ng mga detalye tungkol sa operasyon at paggalaw ng ICC investigators sa Pilipinas ay isang malinaw na paglabag sa Rome Statute.
Ayon sa dating senador, ang mga impormasyong isinapubliko ng grupo ay “highly confidential” at hindi dapat ginagawang laro. Binigyang-diin niya na ang paglantad sa mga ito ay naglalagay sa panganib hindi lamang sa buhay ng mga imbestigador, kundi maging sa mga testigo ng kaso.
Dahil dito, naniniwala si Trillanes na ang ICC mismo ang magsasampa ng kasong ‘Obstruction of Justice’ laban sa mga nasabing dating sundalo.
Matatandaang lumutang ang 18 ex-Marines at nagsumite ng joint affidavit, pinaratangan si Trillanes na tumanggap ng $2 million cash delivery mula kay Zaldy Co, kasabay ng pagbubunyag nila sa mga umano’y sikretong galaw ng ICC sa bansa.
Giit ni Trillanes, ang pag-pursue ng hustisya sa ICC ay para sa mga biktima at hindi dapat ginagamit na pampulitikang sandata.