Advertisers

Advertisers

Andrew E, Legendary Rap Icon, tuloy ang pagtulong sa mga rapper

0 88

Advertisers

Ni Anne Venancio

Sa mahigit 3 dekada ni Andrew E sa showbiz industry, deserve niya lahat ng tinatamasang tagumpay lalo’t nagsimula siya sa wala. Laking pasasalamat niya at binigyan siya ng talento na tinangkilik ng publiko na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay at pamilya.

At ngayon nga ay inaani na niya ang bunga ng kanyang hard work sa pamamagitan ng mga pagkilala na natatanggap niya sa mga award giving bodies.

Pagkatapos palang ng Chinese New Year, heto at nakatanggap agad siya ng Legendary Rap Icon award mula sa 7th Global Trends Business Leaders Awards na ginanap sa Okada Manila nung Peb. 24, 2026 na inorganisa ng beauty queen na si Bennilyn Amigo-Molina.

Anong reaksyon niya?

“Monumental to sa akin. Another achievement. Ikinatutuwa ko kasi, opening pa lang ng year, may award na, nakaka-happy ng mood yun for me. File up, file up lang ng mga achievements, so keep it going,” ani Andrew.

Same feeling din daw last year na kung saan nagtapos ang kanyang 2025 na nakatanggap din siya ng award mula naman sa Aliw Awards Foundation Inc., bilang ‘Male Rap Artist of the Year.’ 2 consecutive year na nga ito kaya naman masaya siya at kinikilala ang naging kontribusyon niya sa musika at pelikula.

‘Yun nga, tuwang-tuwa yung puso ko na now, lalo kang naa-appreciate ng madla, ng mga award giving bodies, parang sa akin, lalo akong ginaganahan sa paggawa ng mga bagong musika,” deklara pa nito.

Aminado si Andrew E na noong kasagsagan ng kanyang kasikatan ay hindi siya madalas mapansin ng award-giving bodies kahit may mga platinum album siya.

“Ngayon, I don’t know kung anong meron ngayon na lumalabas, maybe siguro, the key, ’yung longevity, ’yun ’yung susi na napapansin nila na kahit matagal na panahon, ang ANDREW E, malakas pa rin sa masa, malakas pa rin sa mga concert scene. Parang ’yun ang timbangan e,” paliwanag nito.

At sa Mayo 1, Labor Day, ilalabas niya ang unang single mula sa bago niyang album na ‘Wholesome Again,’ na naglalaman ng 7-8 tracks.

Tiyak na muling matutuwa ang kanyang mga tagasuporta, lalo’t hanggang ngayon ay kinakanta pa rin ng masa sa mga karaoke bar, pista, concert, at gigs ang kanyang mga iconic hits na “Humanap Ka Ng Panget,” “Banyo Queen,” “Sinabmarin,” “Shoot-Shoot,” “Andrew Ford Medina,” “Alabang Girls,” at “Aussie, Aussie (O, Sige!).”

Very impressive nga ang track record ni Andrew E dahil mahigit 32 blockbuster films, 19× Platinum Album Awards (na may kabuuang higit sa dalawang milyong records, CDs, at tapes na naibenta), 15 monster single hits, at 3 Album of the Year awards. Kinilala rin siya bilang Japanese at American recording artist, at record holder ng Philippines’ Fastest Platinum Album ang ‘Humanap Ka Ng Panget’ in just 10 days! Kabooog talaga ang isang Andrew E, ‘di ba t2 Wendell Alvarez.

Hindi rin natitinag ang kanyang adbokasiya sa pagtulong sa kapwa rapper sa ilalim ng Dongalo Wreckords, na kamakailan ay nagdiwang ng ika-30 anibersaryo. Patikim pa lamang ang naganap noong Disyembre 20, 2025 sa Music Museum sa R.A.P. Concert, kung saan nagpakitang-gilas sa entablado ang Salbakuta kasama ang 4D, Charlie Mac × Mad Killah × Jawtee, FUZBUZLOW, HOMERYOH, BB CLAN, MARKADONG BUNGO, CEMBOYZ N THE HOOD, CRAZZYG & MC KRAINE, KORTA PLUMA, DREXX LIRA, EHP, GAGONG RAPPER, KONFLIK, OG BEWARE, CHINESE MAFIA, HI-JAKKK, DAMUHO SKWAD, MANANABAZ, MHALDITA & CACAI, YOUNGONE, JHOAN & ENDANG, PHAT NASTY CREW, 3 DIGITZ, at BUDZ & PROY. Sa ngayon, marami pa silang naka-line up na mga show at kantang ilalabas. Maging ang kanyang mga anak na sina Fordy, Jassley, at Ichiro ay namana ang kanyang talento at unti-unti na ring gumagawa ng sariling pangalan sa industriya. Na-impress kami nang mapanood namin silang magkasama sa first major concert ni Andrew na #1TimeForYourMind sa New Frontier Theater noong Disyembre 11, 2024, na prinodyus ni Sir Jonathan Wee ng Ticket1.

Bagama’t maraming kumukuha kay Andrew E para mag-perform sa mga campaign rallies, nilinaw niyang wala siyang planong pasukin ang pulitika. “Walang calling e, kasi kung gusto ko, sana noon pa,” aniya. Masaya na umano siya kasama ang kanyang misis na si Mylene at ang kanilang 3 anak. Mas pinaghahandaan din niya ang kanyang US concert sa August.

Samantala, sa Forever Pretty birthday celebration ng Jukebox Queen at PCSO Director na si Imelda Papin noong Enero 25, na ginanap sa Hotel Okura Manila sa Newport, naging special guest si Andrew E at inanunsyo nito na magkakaroon sila ng international concert sa lugar kung saan maraming OFW.