Advertisers

Advertisers

3 Years Oil Spill Tragedy sa Verde Island sa Mindoro Ginunita!

0 21

Advertisers

Tatlong taon matapos ang oil spill sa Verde Island Passage (VIP), nagkaisa ang mga grupo ng mangingisda, mga komunidad, akademya, mga tagapagtaguyod ng kalikasan, at mga opisyal ng pamahalaan sa mismong pinangyarihan ng sakuna upang manawagan ng hustisya, rehabilitasyon, at pangmatagalang proteksiyon para sa naturang marine corridor.

“Ngayon, hindi lamang tayo nagtitipon upang alalahanin ang pinsalang dinanas ng VIP at ng mga komunidad nito, kundi upang ipagpatuloy ang panawagan para sa hustisya hustisyang magbibigay ng makatarungang kompensasyon sa mga apektado at magpapapanagot sa mga korporasyong responsable sa pinsalang idinulot sa marine ecosystem ng VIP at sa mga komunidad na umaasa rito,” ani kay Father Edwin Gariguez, lead convenor ng Protect VIP.

Ayon sa mga salaysay ng mga apektadong mangingisda, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sila ng kompensasyon. Noong Disyembre 9, 2025, nagsampa ng class suit ang mga apektadong mangingisda sa Regional Trial Court ng Pinamalayan upang panagutin ang shipowner ng MT Princess Empress na RDC Reield Marine Services, Inc., ang charterer at subsidiary ng San Miguel Corporation na SL Harbor Bulk Terminal Corporation, ang insurer na The Shipowners’ Club, at ang International Oil Pollution Compensation Funds (IOPC).

“Unang-una, hindi pa nababago ang paghina ng huli kahit tatlong taon na ang lumipas. Ramdam na ramdam pa rin ito ng mga mangingisda,” ani Aldrin Villanueva, Pangulo ng Koalisyon ng mga Mangingisda Apektado ng Oil Spill (KMAOS). “Kaya hanggang ngayon ay uhaw pa rin kami sa hustisya.

Marami pa rin sa amin ang wala pang natatanggap na kompensasyon.”
Umabot sa ?41.2 bilyon ang halaga ng pinsalang pangkapaligiran at sosyo-ekonomiko na dulot ng oil spill, ayon sa pag-aaral ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED).
“Ang oil spill noong 2023 ay bunga ng malawakang industriyalisasyon at konsentrasyon ng mga industriyang nagdudulot ng polusyon sa VIP.

Kapag mas marami ang dumaraang mga barkong may dalang nakalalasong kargamento sa marine corridor na ito, mas mataas ang posibilidad ng ganitong sakuna.

Kung magpapatuloy ang ganitong pagkakalantad sa banta ng polusyon mula sa fossil fuel, walang duda na maaari pang maulit ang oil spill sa VIP sa hinaharap. Ang pinakamabuting hakbang ngayon ay itulak ang mas matibay na proteksiyon para sa VIP,” ayon kay Gerry Arances, Executive Director ng CEED.

“Habang patuloy nating ipinapanawagan na marinig ang ating sigaw para sa hustisya, ipinagdarasal din natin ang ganap na pagbangon ng mga nasirang ekosistema at kabuhayan dulot ng oil spill na ito.

Ang tunay na pagbangon ay hindi lamang paglimot at pag-usad, kundi ang paglalagay ng pangmatagalang proteksiyon upang hindi na maulit ang ganitong trahedya. Isang mahalagang unang hakbang ang pagtatalaga sa VIP bilang protected area sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act,” pahayag ni Gariguez.

Inorganisa ang paggunita ng Protect VIP, CEED, at ng lokal na pamahalaan ng Pola—ang bayang pinakaapektado ng oil spill noong 2023. Bago ang programa, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Pola ng isang simbolikong marathon na pinamagatang “Takbo ng Pagbangon.”
“Ang Verde Island Passage ay kailangang protektahan.

Hindi lang iyon, kailangan ding protektahan ang ating mga mangingisda—sa buong Pilipinas, hindi lamang sa Pola, hindi lamang sa Oriental Mindoro,” pahayag ni Mayor Jennifer Cruz ng Pola, Oriental Mindoro.

Dinaluhan ang kaganapan ng mga kinatawan mula sa Koalisyon ng mga Mangingisda Apektado ng Oil Spill (KMAOS), Bukluran ng Mangingisda sa Batangas (BMB), Mindoro State University, DENR MIMAROPA, at Philippine Coast Guard. (Cesar Barquilla)