Advertisers
ISANG DAANG porsyentong sinusuportahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang dalawang panukalang batas na layong protektahan ang overseas Filipino workers o OFWs laban sa hindi patas na singil sa remittance at tulungan ang kanilang mga pamilya na maayos na mapamahalaan ang perang ipinapadala sa Pilipinas.
Nilagdaan ni Cayetano ang committee report para sa Free OFW Financial Education Act nitong February 25, 2026 at ang panukalang Overseas Filipino Workers’ Remittance Protection Act nitong February 26, 2026.
Ayon sa senador, matagal na niyang isinusulong ang kapakanan ng OFWs na tinawag niyang mga modernong bayani na ang “blood, sweat, and tears” ay dapat tumbasan ng konkretong proteksyon at suporta mula sa gobyerno.
“Regalo ng Diyos ang ating mga OFWs, hindi lang po noong may economic crisis tayo kundi lalong-lalo na po sa kanilang mga indibidwal na pamilya. A whole generation now ay nakapag-aral, may magandang trabaho, dahil doon sa generations ng mga OFW,” sabi ni Cayetano na isang dating kahilihim ng Department of Foreign Affairs.
“With these measures, maipapakita natin sa OFWs na ‘yung sakripisyo nila ay pinahahalagahan natin,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Free OFW Financial Education Act, magkakaroon ng libre at mandatory na financial literacy training para sa land-based at sea-based OFWs pati sa kanilang mga pamilya at dependents.
Isasama ang pagsasanay sa pre-departure at post-arrival seminars ng mga OFW. Maaabot naman ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng online seminars at iba pang accessible na paraan.
Ituturo sa programa kung paano umiwas sa scam at mapanlamang na pautang, paano protektahan ang ari-arian, paano pamahalaan ang utang, at paano unawain ang basic financial products tulad ng insurance, savings at investments.
Para kay Cayetano, makatutulong ito para maipuhunan ng mga OFW ang kanilang kinikita at makabalik sa Pilipinas na may sapat na ipon.
“Pwede kasi na habang kumakayod ‘yung ating mga OFW abroad, meron sa pamilya na pinag-aaralan na ‘yung negosyong gusto ng pamilya,” wika niya.
“Kasi kahit po nasa malayo ang OFWs, ang parating nasa isip nila ay ang makasama ang kanilang pamilya rito. Ang pangarap nating lahat, dumating ang araw na hindi na nila kailangan mag-abroad,” dagdag niya.
Samantala, layon naman ng OFW Remittance Protection Act na protektahan ang mga OFW laban sa labis na remittance fees at mapanabusong gawain.
Sa panukala, ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Department of Migrant Workers ang magtatakda ng pinapayagang singil at kaugnay na bayarin sa remittance.
May parusa rin laban sa maling conversion ng foreign exchange, hindi awtorisadong kaltas, o pagbibigay ng mas mababang katumbas na piso sa mga benepisyaryo ng OFW. Maaaring makulong, pagmultahin, o pareho ang mapatunayang lalabag.
Kasalukuyang hinihintay ng dalawang panukala ang pirma ng mayorya ng mga miyembro ng komite bago ito maisalang sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Cayetano, mag-iinterpellate siya at maghahain ng mga amyenda sa OFW Remittance Protection Act kapag ito ay umabot na sa plenaryo.
Noong mga nakaraang taon, hinikayat din ng senador ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng TESDA na magbigay ng livelihood at skills training sa pamilya ng mga OFW upang maipuhunan ang remittance sa maliliit na negosyo at makauwi nang mas maaga ang mga manggagawa.
“Sana ‘yung mga future OFW na paalis, matulungan silang magkaroon ng five-year o 10-year plan – kung ano ang plano ng kanilang pamilya sa kikitain ng OFW na pwedeng i-negosyo – para mayroon silang exit plan,” pahayag ng senador.