Advertisers
Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang agarang pagbawas ng 50 porsiyento sa konsumo ng gasolina ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa gitna ng nakaambang krisis sa langis bunsod ng tensyon sa Iran.
Ayon kay Domagoso, kinakailangan ang hakbang dahil sa inaasahang oil shock na dulot ng epektibong pagsasara ng Strait of Hormuz at lumalalang sigalot sa Iran.
Sa ilalim ng Executive Order No. 7, series of 2026 na nilagdaan nitong Lunes, Marso 2, sinabi ni Domagoso na ang patuloy na armadong tunggalian sa Gitnang Silangan at ang tinawag na Operation Epic Fury (Joint US-Israel Strike laban sa Iran), magdudulot ng matinding paggalaw sa pandaigdigang merkado ng langis, posibleng pagkaantala sa suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo na makaaapekto sa pambansa at lokal na ekonomiya, kabilang ang pananalapi ng Lungsod ng Maynila.
Binigyang-diin ni Isko na nagdeklara ang Iran ng blockade sa Strait of Hormuz, dahilan upang pisikal na maharang ang daloy ng tinatayang 20 porsiyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Dapat kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang maprotektahan ang pondo ng bayan, mapanatili ang mahahalagang serbisyo publiko, at mabawasan ang epekto ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng langis,” ani Moreno.
Sa direktiba, inatasan ang lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng lungsod na magpatupad ng hindi bababa sa 50 porsiyentong bawas sa paggamit ng gasolina para sa mga sasakyan, generator, heavy equipment at iba pang gamit na pinatatakbo ng krudo na pag-aari, inuupahan o pinamamahalaan ng lungsod.
Hinikayat din ang mga tanggapan na i-optimize ang ruta ng mga sasakyan, pagsamahin ang mga delivery, at bawasan ang hindi kinakailangang biyahe.
Kabilang sa agarang ipinatupad ang pagbabawal sa lahat ng hindi mahalagang biyahe ng mga opisyal at kawani ng lungsod.
Tumutukoy ang “non-essential travel” sa mga biyahe na maaaring ipagpaliban, palitan ng online meeting, o iwasan nang hindi naaapektuhan ang serbisyo publiko.
Suspendido rin ang lahat ng “lakbay-aral” at mga biyahe sa ibang bansa maliban kung ituturing na kritikal sa operasyon ng lungsod.
Inatasan ang lahat ng tanggapan, maliban sa mga ospital at pasilidad pangkalusugan na pinatatakbo ng LGU, na magpatupad ng pagtitipid sa kuryente, kabilang ang pagpatay ng ilaw at kuryente pagsapit ng 5:00 ng hapon. Ang mga pulong kasama ang 896 barangay ng Maynila, 44 na city health centers, pitong ospital at mga district satellite office ay isasagawa online.
Ang mga seremonya ng pagtatapos sa mga pampublikong elementarya at sekundarya ay gagawin na lamang sa loob ng kani-kanilang paaralan upang mabawasan ang biyahe at gastusin sa gasolina ng mga pamilya.
Pinapayagan din ang staggered shifts, compressed workweek at work-from-home arrangement kung maaari, gayundin ang pagbabawas ng hindi kailangang ilaw at pagsasaayos ng heating, ventilation at air-conditioning systems sa mga pasilidad ng lungsod.
Hindi saklaw ng mga restriksiyon ang mga operasyong pang-emerhensiya tulad ng pulisya, bumbero at ambulansiya; serbisyong pangkalusugan at disaster risk reduction; koleksiyon at paghakot ng basura; traffic management; at iba pang gawaing ituturing na mahalaga ng alkalde.
Sasailalim sa administratibong imbestigasyon ang mga lalabag sa mga probisyon ukol sa biyahe at paggamit ng gasolina at maaaring patawan ng parusa alinsunod sa civil service rules, kabilang ang suspensiyon ng fuel privileges at iba pang kaukulang kaparusahan.
Agad itong magkakabisa at mananatiling epektibo hanggang ideklara ng alkalde na normal na muli ang kondisyon ng suplay ng langis.(BP)