Advertisers

Advertisers

‘BLACKLISTING’ SA INDIAN SUPPLIER GAWING PERMANENTE

0 7,666

Advertisers

MAGANDA ang “paalala” ni Chief PNP Jose Melencio Nartatez sa kanilang mga supplier na dapat tuparin ang kanilang mga ‘contractual obligations’ sa ano mang kontrata na ibinigay sa kanila ng PNP.

Ang ‘reminder’ ay ibinigay ni Chief PNP kaugnay ng kanyang pagkumpirma na suspendido at ‘blacklisted’ pa rin hanggang ngayong Setyembre ang SMPP Limited, isang ‘Indian-owned supplier’ ng PNP na nakabase sa New Delhi.

Nabigyan kasi ng higit P83.7 milyon kontrata ang SMPP para suplayan ng 2,675 piraso ng “all-purpose vest/waistcoat vest” ang PNP at kasama sa obligasyon nito na bigyan ng ‘travel/health insurance’ ang ating mga pulis.

Nakumpirma namang “balasubas” kausap ang SMPP nang mamatay sa isang ‘air collision’ sa Washington, USA, noong Enero 29, 2025 si PCOL. Pergentino Malabed Jr., habang nasa isang ‘official mission.’

Ang siste kasi, mga kabayan, “dedma” lang ang SMPP sa nangyari at walang ginawang tulong sa PNP at kanyang pamilya para maibalik sa bansa ang bangkay niya.

At nang “lumutang” pagkaraan ng ilang buwan (Hunyo), ang ibinigay na ‘local insurance company,’ wala naman palang travel/health insurance policy, ayon sa Insurance Commission!

Kumbaga, pinabayaan na ang pamilya Malabed, gusto pa silang “onsehin” nitong SMPP!

Malaking gaan sa kalooban ng pamilya na kahit acting PNP pa lang siya noong isang taon, agad na kumilos si General Nartatez at inalagay sa ‘government blacklist’ ang SMPP nang malaman ang ginawang “pambabastos” sa pamilya ng kanyang namatay na opisyal.

Subalit, mas magiging “malinaw” ang mensahe ni Chief PNP na HUSTISYA at hindi ‘monetary consideration’ ang kanyang gusto at gusto ng pamilya Malabed, kung gawin na niyang permanenete ang blacklisting nitong SMPP.

Nalaman kasi natin na ang litrato ng mga opisyal ng SMPP kasama si BBM nang bumisita siya sa India noong Agosto 2025, ang ginagamit ng mga ito bilang “panggulat” sa ating mga opisyal para lang muling makapasok sa mga kontrata sa gobyerno—at kalimutan na lang kabastusan nila sa pamilya ng isang opisyal sa ating pambansang pulisya.

Hindi naman siguro “kawalan” sa PNP at sa ating gobyerno na i-ban sa ano mang transaksyon ang isang dayuhang kumpanya na balasubas sa pagtupad sa kanilang pinirmahang obligasyon.

Higit pa rin sa pera, ang permanent blacklisting ng SMPP ay pagpapahalaga sa ating DIGNIDAD bilang mga Pilipino. Dapat turuan ng matinding leksyon ang mga dayuhang abusado.

Tama ba, General Nartatez, Sir?