Advertisers
Ipinag/utos ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na idaos ang lahat ng graduation rites ng mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa loob mismo ng kani-kanilang campus habang hinaharap ng lungsod ang nakaambang pagtaas ng presyo dulot ng krisis sa langis.
Sa kanyang regular na pulong ng management committee, inatasan ng alkalde ang Schools Division Office (SDO) of Manila sa pangunguna ni Superintendent Dr. Sheryll Gayola na tiyaking sa loob lamang ng mga paaralan gaganapin ang mga seremonya upang maiwasan ang dagdag gastusin ng mga magulang, lalo na kung sa ibang lugar pa ito idaraos na mangangailangan ng karagdagang bayarin.
Ayon sa alkalde, bahagi ito ng paghahanda ng Maynila sa posibleng pandaigdigang oil shock bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at sa napaulat na pagharang sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Dalawampung porsiyento ng ating langis sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas, may problema sa pinanggagalingang suplay,” babala ng alkalde, na maaaring magdulot ito ng pagtaas sa presyo ng gasolina, pamasahe at mga pangunahing bilihin.
“Kaya tataas ang presyo ng mga bilihin, gastusin, pamasahe, and so on and so forth, most likely,” wika ni Isko.
Hinimok ni Domagoso ang mga pampublikong paaralan na panatilihing simple at matipid ang mga aktibidad sa graduation, dahil kahit maliit na pagtaas sa presyo ay malaking epekto sa badyet ng mga pamilya.
Nakasaad ang direktiba sa Executive Order No. 7, Series of 2026, na nag-uutos ng 50 porsiyentong pagbawas sa konsumo ng gasolina sa lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Sa ilalim ng kautusan, ipinagbabawal ang mga hindi mahalagang biyahe, suspendido ang mga “lakbay-aral,” at inaatasan ang mga opisina na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente, kabilang ang pagbabawas ng ilaw at pagsasagawa ng online meetings kung maaari.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat makiisa ang lungsod sa pambansang hakbang sa pagtitipid ng mga yaman. Aniya, mahalaga man ang graduation para sa mga mag-aaral, dapat manaig ang pagiging maingat at praktikal sa panahon ng pandaigdigang kawalang-katiyakan.
“Ayaw kong pangunahan ang sitwasyon, pero para sa layuning makiisa tayo sa direksyon ng pambansang pamahalaan, hangga’t maaari, mabawasan natin ang mga hindi kinakailangang gastos,” pahayag pa ni Domagoso. (BP)