Advertisers
Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagbabahagi ng kanilang mga hinaing at suhestiyon sa pamahalaan, kasabay ng pagtiyak na pakikinggan at aaksyunan ng administrasyon ang mga ito, malaki man o maliit.
Sa kanyang BBMVLOG 278: Sagot sa Polisiya, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang boses ng mamamayan sa paghubog ng mga polisiya ng gobyerno.
Aniya, ikinagulat nila ang dami ng suhestiyon mula sa publiko sa comment section ng kanyang vlog.
Ayon kay Pangulong Marcos, umabot sa mahigit 70.2K heart reactions at 11.9K comments ang naturang vlog kung saan ibinahagi ng mga netizen ang kanilang mga saloobin at mungkahi.
Binigyang-diin din ni PBBM na paiigtingin ng pamahalaan ang maayos at mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo, lalo na sa mga senior citizen.
Iginiit ng Pangulo na ang mga ayuda mula sa national government ay hindi dapat gamitin para sa promosyon ng mga pulitiko at dapat maipamahagi nang mas episyente nang walang mga programang may kaugnayan sa pulitika.
Dagdag pa ng Pangulo, pinag-aaralan ng gobyerno ang paggamit ng digital platforms tulad ng GCash upang mapabilis ang distribusyon ng tulong, gaya ng mga sistemang sinusubukan na rin ng ilang lokal na pamahalaan kabilang ang Makati. (Gilbert Perdez)