Advertisers
Nagpatupad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng Balik Ginhawa, isang “modified 3-month loan moratorium” na magbibigay ng agarang cash relief sa mga kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng isang beses na refund ng kanilang loan payments.
Bahagi ito ng suporta ng GSIS sa UPLIFT program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalayong maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Balik Ginhawa, magpapatuloy ang loan deductions, ngunit ang katumbas ng hulog mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026 ay ibabalik nang buo at isang bagsakan sa account ng mga miyembro. Dahil dito, mas mabilis at mas malaking halaga ang agad nilang magagamit para sa kanilang pang araw araw na pangangailangan.
Boluntaryo ang paglahok at kapag naaprubahan, ang pagbabayad sa loan ay mapapalawig ng tatlong buwan nang walang dagdag na interes o multa.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, ang Balik Ginhawa ay idinisenyo upang maghatid ng agarang ginhawa habang pinananatili ang katatagan ng pondo.
“Agad ninyo itong magagamit para sa inyong mga pangangailangan, habang nananatiling matatag at maaasahan ang GSIS para sa lahat ng miyembro,” ani Veloso.
Maaaring mag-apply sa Balik Ginhawa sa pamamagitan ng GSIS Touch app kaya maaari itong ma-access ng mga miyembro anumang oras at saan man sila naroroon. Hindi na kailangan pang lumabas o gumastos sa pamasahe upang makapag apply. (Jocelyn Domenden)