Advertisers
KUNG si Kin. Jude Acidre ng Tingog Party List ang masusunod, nais niya na buwagin ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ibigay ang poder sa paggawa ng mga infrastructure projects sa mga sangay ng gobyerno na may pangangailangan sa mga ganyang proyekto. Hindi kailangan ang DPWH upang gumawa ng ospital o classroom. Hayaan ang DoH ang mamahala sa paggawa ng ospital at Deped sa classroom.
Naging flagship, o pangunahing ahensya ng korapyon, ang DPWH, ani Acidre, kasalukuyang hepe ng Committee on Higher and Technical Education. Dumating ang punto na kailangan ng buwagin ang DPWH dahil sa labis na korapsyon, aniya. Kailangan wasakin agad ang kultura ng korapsyon na bumalot sa pangunahing ahensya ng gobyerno sa imprastraktura., aniya. Wala na itong saysay at halaga, dagdag niya.
Sa totoo lang, sa DPWH nagsimula ang korapsyon. Pilit hinimok ng mga korap na opisyales ng DPWH ang ilang mambabatas dahil ang Kongreso ang may kapangyarihan sa Saligang Batas na magtakda ng budget para sa mga piniling infrastructure project kung saan maaari nilang gawin ang nakakapinsalang korapsyon. Naging kakutsaba nila ang ilang korap na mambabatas.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan buwagin ng ang DPWH at ibalik ang poder sa mga ahensya ng gobyerno na nangangailang ng mga imprastraktura. Mas alam ng mga ahensya ang kanilang pangangailangan. Hindi kailangan ang DPWH na naging kasangkapan lang sa korapsyon. Hindi kailangan ang pagpanday ng isang batas upang buwagin ang DPWH, ani Acidre.
Bagkus, kailangan ng isang executive order ni BBM upang buwagin ang DPWH at ibalik sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang poder upang itakda ang mga infrastructure project na kailangan nila sa pagganap ng kanilang tungkulin, aniya. Kailangan ang pagnanasang pulitikal (political will) upang mabuwag ang ahensya na naging flagship ng korapsyon sa bansa.
***
MAGTATAGAL si Gongdi sa piitan ng International Criminal Court (ICC). Hindi siya palalayain. Nagdesisyon ang ICC Appeals Chamber 1 na ibasura ang mosyon ng defense team ni Gongdi sa pangunguna ni Kulas Kaufman na palayain at pauwiin si Gongdi sa Filipinas. Walang katwiran upang palayain siya. Sa maikli, nahaharap si Gongdi sa paglilitis ng ICC dahil sa sakdal na crimes against humanity noong siya ang pangulo ng bansa.
Paulit-ulit na lang ang petisyon ng defense team ni Gongdi. Walang bago. Hindi binigyan si Kaufman ng katalinuhan at imahinasyon upang makasilip ng bagong dahilan upang puwersahin ang ICC na palayain siya. Hanggang ngawa lang ang defense team ni Gongdi. Walang katwiran at kagat. Naniniwala kami na doon na siya mamamatay sa piitan ng ICC. Kahit paano, tanggap ni Gongdi ang kanyang kapalaran.
Tila binaligtad ang mesa dahil kinuwestiyon ng mga nasa panel ng taga-usig ang papel ng anim na manananggol sa ipinadala ni Misfit Sara upang magmatyag umano sa proseso ng ICC sa The Hague. Kasama sa team na iyon si Salvador Medialdea, dating executive secretary ni Gongdi noong siya ang pangulo. Hindi malinaw kung nagsisilbi silang cheering squad o bahagi ng defense team ni Kaufman.
Wala kahit isa sa kanila ang accredited ng ICC upang katawanin si Gongdi. Hindi sila kailangan sa maikling salita. Hindi namin alam kung paano ipapaliwanag ni Medialdea ang dahilan kung bakit nandoon sila. Hindi sila opisyal ng kinikilala ng ICC sa anuman.
***
SAMANTALA, nahaharap si Misfit Sara sa paglilitis ng Senado bilang impeachment court. Dire-diretso ang proseso ng Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) upang buuin ang Articles of Impeachment na isusumite sa Senado bilang impeachment court. Sa pagpapatuloy ng proseso, magdaraos ng pagdinig ang House Committee on Justice na pinamumunuan ni Kin. Jinky Luistro ng ikalawang distrito ng Batangas.
Nasagap namin na haharap si Sonny Trillanes sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite ni Luistro. Hindi namin alam kung ano ang ihaharap ni Trillanes, ngunit hindi kami magtataka kung tungkol ito sa mga bank record ni Misfit Sara. May hawak siya na magpapaliwanag sa nakatagong yaman ng pamilya Duterte – si Gongdi at Misfit Sara.
Samantala, nagsumite ng reklamo si Kin. Leila de Lima ng Mamamayan ng Liberal Party List at Fr. Flavie Villanueva tungkol sa mga pinagtahi-tahing kasinungalingan ni Levito Baligod at Mike Defensor at 18 Marines umano. Sino ang maniniwala kay Baligod? Pinagbintangan siya si de Lima ng tumanggap ng milyon-milyong pisong suhol kahit siya ay nasa bilibid. Malinaw na kasinungalingan.