Advertisers
NABABAHALA ang pamahalaan sa babala ng Iran na maaaring umabot sa $200 per barrel ang presyo ng langis.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na tiyak na magdudulot ito ng pagtaas sa presyo ng langis sa Pilipinas.
Kaya paalala ni Garin, mahalaga na maging energy efficient ang mga Pilipino at bawasan ang sobrang paggamit ng fuel.
Iminungkahi rin ng opisyal ang ilang simpleng hakbang para makatipid sa kuryente at petrolyo tulad ng pag-unplug ng mga appliances at mas maingat na paggamit ng sasakyan upang makatipid sa gasolina.
Samantala, iginiit ni Garin na hindi direktang saklaw ng DOE ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin ang Value Added Tax (VAT) sa petrolyo.
Kung tatanggalin aniya ang VAT, maaaring umabot sa 300 bilyong piso ang mawawalang koleksyon ng gobyerno.
Dagdag ni Garin, mahirap ding i-monitor ang VAT dahil may input o output system ito, kaya posibleng hindi bumaba ang presyo ng langis.
Dahil dito, payo ng kalihim, mas mainam na pag-aralan ito ng Department of Finance (DOF) bago gumawa ng desisyon. (Gilbert Perdez)