Advertisers
INUMPISAHAN na ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang turnover ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natupad na ng komisyon ang layunin nito.
Dalawang truck ng pulisya na may dalang mga dokumento kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects ang dumating sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City nitong Huwebes, Marso 12.
Dumating din si ICI Executive Director Brian Keith Hosaka para sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng ahensya.
Matatandaan, itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 noong Setyembre 15, 2025, na may probisyong maaaring buwagin ang komisyon kapag natupad na ang layunin nito.
Sa kasalukuyan, tanging si ICI chairperson Andres Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon matapos magbitiw noong Disyembre ang dalawang commissioner na sina Rogelio Singson at Rossana Fajardo.