Advertisers

Advertisers

Sen. Bato hiniling na magamit ang Senate Mansion para sa 2026 CSAFP Cup

0 14

Advertisers

HUMINGI ng pahintulot si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magamit ng kanyang pamilya ang Senate Mansion sa Baguio City para sa nalalapit na 2026 Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines (CSAFP) Cup.

Ito ang kinumpirma ni Sotto ma matanggap niya ang liham mula kay Dela Rosa, na apat na buwan nang hindi pumapasok sa Senado.

Inilarawan ni Sotto ang liham ni Dela Rosa bilang isang “privileged communication,” at ipinasa niya ang kahilingan sa Senate Secretariat.



Sa liham na may petsang Marso 12, 2026, humingi ng permiso si Dela Rosa sa tanggapan ni Sotto na gamitin ang Senate Mansion mula Marso 26 hanggang 29 upang umano’y matuluyan ng kanyang pamilya habang ginaganap ang CSAFP Cup.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Senate Secretary Mark Llandro “Dong” Mendoza na natanggap nila ang liham, ngunit sinabi niyang kasalukuyang sumasailalim sa pagkukumpuni ang Senate Mansion.



“The Senate mansion is undergoing repairs now and the policy is the family must be accompanied by the senator,” ani Mendoza sa mga mamamahayag.

Nang tanungin kung tatanggihan ang kahilingan ng senador dahil sa kasalukuyang pagkukumpuni, sinabi ni Mendoza, “Oo.”



Matatandaang hindi na nagpapakita sa publiko at hindi na rin dumadalo sa sesyon ng Senado si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025.

Nagsimula ang kanyang pagliban matapos ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng madugong war on drugs.

Kalaunan ay pinangalanan din ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.

May naihain na rin ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil sa patuloy niyang pagliban sa Senado. (Mylene Alfonso)