Advertisers
POSIBLENG maramdaman ng mga konsyumer sa Nobyembre ang bawas sa singil mula sa pagtanggal ng 12% value-added tax (VAT) sa allowable system loss charges ng mga power utility.
Pahayag ng Energy Regulatory Commission (ERC), nakipagpulong na ito sa mga stakeholder noong Biyernes upang plantsahin ang mga mekanismo para sa pagpapatupad ng bagong patakaran ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sinabi ni ERC Chairperson Francis Saturnino Juan na target nilang maipatupad ang pagtanggal ng VAT sa system loss charge para sa kinunsumo na kuryente sa buwan ng Oktober, na makikita sa bill na matatanggap ng mga consumer sa Nobyembre.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 ng BIR na inilabas noong Setyembre 14, hindi na papatawan ng 12% VAT ang system loss charges na pasok sa limitasyong itinakda ng ERC.
Itinuturing na ng BIR ang naturang singil bilang government-mandated pass-through cost, kaya hindi na ito sasailalim sa VAT.
Gayunman, nilinaw ng ERC na VAT lamang sa system loss charge ang aalisin at hindi ang mismong system loss charge.
Ang system loss charge ay kumakatawan sa gastos na kaugnay ng kuryenteng nawawala habang ipinapadala at ipinapamahagi ito sa power system. Hiwalay ito sa generation, transmission at distribution charges na regular na nakikita sa electricity bill.
Ayon kay Juan, hindi maaaring alisin ang VAT sa iba pang bahagi ng electricity bill dahil itinatakda ito ng batas.
Tinatayang nasa P20 hanggang P30 ang VAT component ng system loss charge na maaaring mawala sa bill ng mga consumer.