Advertisers
NASAMSAM ang tinata-yang P95.2 milyong halaga ng shabu at naaresto ang isang lalaki sa anti-illegal drug operation sa Surigao City noong Sabado, Marso 14.
Ayon sa pulisya, naharang ang ilegal na droga sa Lipata Port sa lungsod sa operasyon na pinangunahan ng Philippine National Police kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Ports Authority, at Philippine Coast Guard.
Kinilala ang naaresto sa alyas “Tan”, residente ng Taguig City, Metro Manila.
Ayon kay Marcial Mariano Magistrado IV, direktor ng Police Regional Office 13, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa isang pickup vehicle na nagdadala ng ilegal na droga mula sa Cotabato at patungong Luzon.
Dahil sa tip na ito, agad nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng pulis, anti-narcotics agents, at port security personnel upang ma-hanap ang sasakyan sa pantalan.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 14 bloke ng shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 14 kilo. Nakatago ito sa loob ng ekstrang gulong ng sasakyan at nadiskubre matapos ma-flag sa K9 sweep.
Tinatayang nagkakahalaga ng P95.2 milyon ang nasamsam na droga. (Mark Obleada)